Herbert babalik sa showbiz

July 16, 2019
Herbert Bautista

BABALIK sa showbiz si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Ayon kay (Mayor) Herbert nang makausap namin sa gabi ng parangal ng Eddys sa New Frontier Theater noong Linggo, katatapos lamang niyang sumailalim sa isang scriptwriting workshop ni Ricky Lee.

"May mga gusto pa akong malaman," aniya. "Gusto kong magsulat ng pelikula. Marami pa akong gustong matutunan."

Kasama na ba rito ang pagdidirek?

"Oh, yes, yes," ani Bistek.

Malamang na sa ilalim ng Heaven's Best Productions ito mangyayari, pero hindi naman daw niya pinangungunahan ang kapatid na si Harlene na siyang producer nito. "Sa kanya 'yun, eh. Siya ang bahala."

Pero kung sakaling magdidirek nga siya ng pelikula, ang gusto niyang gamitin ay ang pangalan ng kanyang ama, ang nasirang Herminio "Butch" Bautista. "Bilang parangal ito sa kanya (Direk Butch)," ayon pa kay Herbert. "Gusto kong gamitin, Butch Bautista. Directed by Butch Bautista."

Isa si Herbert sa mga nag-present ng awards nang gabing 'yon.

Samantala, itinanggi niyang may hahawakan siyang isang malaking posisyon sa gobyerno matapos matapos ang kanyang termino bilang QC mayor. "Wala. Sa showbiz muna ako," paniniyak niya.

Pero sa ganda ng kanyang record (na pinatutunayan ng mga papuri sa kanya ng bagong Quezon City mayor na si Joy Belmonte), hindi malayong bumalik siya sa public service.