Ice, nag-emote sa tambak na trabaho at kaliwa’t kanang bira kay Liza

May 30, 2020
Aiza Seguerra @ Liza Dino

Ibinahagi ni Aiza “Ice” Seguerra sa kanyang Instagram account na sobrang busy pa rin ang kanyang misis na si Liza Dino dahil may work pa rin ito bilang chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) kahit naka-quarantine.

In fact, mas busy pa raw ito ngayong work from home dahil gigising ng 4 a.m. at magtatrabaho na.

“Parang mas lalo siyang naging busy ngayong work from home. Kasi dati, nung pumapasok siya sa opisina, aalis siya ng 7 or 8 am, tapos pagbalik niya ng 9pm, relax na siya. Family time or sexy time na. Hehe.

“Ngayon, gigising ng alas 4 ng umaga, magtatrabaho na. Matatapos ng 10 o 11 pm pero plakda na,” bungad ng post ni Ice.

Kaya kahit nasa bahay, nagkikita lang daw sila kapag kakain sila.

“Nagkikita lang kami pagkakain, kasi hindi mo na siya maiistorbo sa ibang oras dahil ang daming trabaho.

“Ganon pala no kapag ang asawa mo, nasa gobyerno at passionate sa public service. Walang katapusan yung trabaho kasi araw-araw hindi tumitigil yung mga kailangan gawin. Policies, programs, mga sector na kailangan tulungan sa kaliwa't kanan. Sabi nga nila, hindi raw ito trabaho. Ang public service ay isang calling,” anang singer.

“It is a thankless job. Buti nga sana kung thankless lang eh. Pero yung bira sa kaliwa't kanan kahit ginagawa na niya ang lahat, ang hirap kayanin nun.

“Pero yan pa rin siya. Naka smile. Smile kahit pagod, lulutuin yung request naming tsibog kahit buong araw siyang nagtatrabaho, ibibigay oras niya sa amin kahit siya mismo, wala nang oras para sa sarili niya,” pahayag pa ni Ice.

Kaya naman talagang hindi maitago ng singer ang kanyang paghanga sa misis at anuman ang mangyari ay mananatili siyang nasa likod nito’t nakasuporta.

“Kaya rest ka lang mahal ko, sana makakuha ka ng maraming energy para humarap muli sa bagong bukas. Thank you for giving them your all kahit minsan feeling ko sobra sobra na because of what they say and how they treat you but I know you, hindi mo kayang hindi ibigay ang lahat mo sa kahit anong sitwasyon.

“I appreciate your hard work kahit madalas ay kinakain nun ang oras mo para sa amin. Basta ako, sobrang proud ako sa iyo sa dedication mo at puso mo para magsilbi.

“Nandito lang ako sa likod mo parati, niyayakap ka habang tulog at ineenjoy ang hilik mo. Labyuuuu!” pagtatapos ni Ice.

Kitang-kita sa post ni Ice kung gaano kaganda ang relasyon nilang mag-asawa at kung gaano niya ito kamahal.