Ina ni Bernard yumao na

March 21, 2020

ULILA nang lubos ang actor na si Bernard Palanca  matapos sumakabilang-buhay ang kanyang ina na si Maria del Pilar `Pita’ Revilla-Hocson nung nakaraang Huwebes (March 19) sa San Francisco, California USA dahil sa sakit na cancer na kamakailan lamang umano na-diagnose.  Three months ago nung December 9, 2019 ay yumao ang nakababatang kapatid ni Bernard na si Miko Palanca.  Ang ama nina Bernard at Miko na si Bernard Palanca, Sr. na isang car racer ay sumakabilang-buhay nung pareho pa silang mga bata.   Muling nag-asawa si Pita kay Dr. Lorenzo Hocson.

Si Pita ay isa sa walong mga anak ng yumaong actor na si Armando Goyena (Jose Revilla) sa socialite na si Paquita Roces na kinabibilangan nina Maritess, Tina, Cita, Malu, Cecilia, Rossi at Johnny Revilla.  Si Maritess ay nag-artista noon at nakilala nang husto as “Camay girl” sa isang soap commercial.    Naging “Camay girl” din ang isa pa niyang kapatid na si Cita Revilla habang si Tina Revilla ay isa noon sa mga kilalang  TV host ng noontime show na “Student Canteen”.  Isa ring actor ang kaisa-isang nilang kapatid na lalake na si Johnny Revilla na ang misis ay ang sikat na singer noon na si Janet Basco.    

Bukod sa pagiging apo ni Armando Goyena, apo rin siya ng kilalang businessman at philanthropist na si Don Carlos Palanca, Sr. kung kanino hango ang prestihiyong  award-giving body na Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

Si Bernard ay may dalawang anak na parehong lalake sa magkaibang babae, si Elijah Pineda Palanca (12) sa kanyang ex-wife, ang actress na si Meryll Soriano at si Isaiah Joseph Ejercito  Palanca (5) sa kanyang ex-girlfriend na si Jerica Ejercito, panganay na anak ni dating Pangulong Joseph `Erap’ Estrada sa dating aktres na si Laarni Enriquez.