‘Isang linggong pag-ibig,’ ipinagkatiwala ni Imelda sa iba

March 30, 2019
Imelda Papin

HINDI ikinakaila ng tinaguriang Jukebox Queen, Sentimental Songstress at pangulo ng Actor’s Guild of the Philippines (KAPPT) at tumatakbong vice-governor ng Camarines Sur na si Imelda Papin na napakalapit sa kanyang puso ang awiting “Isang Linggong Pag-ibig” na kanyang pinasikat in 1992.

In 1993, ang “Isang Linggong Pag-ibig” ay ginawang pelikula with the same title na dinirek ng yumaong si Emmanuel `Maning’ Borlaza.  Ito’y tinampukan nina Gretchen Barretto at Gardo Versoza at tinampukan din nina Julio Diaz, Chanda Romero, Isabel Rivas, Sylvia Sanchez, Richard Reynoso at iba pa.  Ginawang theme song ng nasabing pelikula ang awitin ni Imelda.

Nang mag-guest si KZ Tandingan sa 107.5 Bus, live niyang kinanta ang “Isang Linggong Pag-ibig” na may pagka-jazzy ang arrangement at ito’y nagustuhan ng listeners at viewers ng nasabing programa.

Although ang composer na si Dr. Mon del Rosario ang may-ari ng kantang “Isang Linggong Pag-ibig,” ayon kay Imelda ay parang pag-aari na rin niya ang awitin dahil nakakatatak na ito sa kanya.

Kaya isang malaking karangalan para sa actor-recording artist na si L.A. Santos na ipagkatiwala na i-revive niya ang naturangt awitin na may basbas ni Imelda.

Ayon kay LA, bata pa lang siya ay kinakanta na niya ang mga song ni Imelda at paborito niya ang “Isang Linggong Pag-ibig.” Nang marinig ni Imelda ang boses ni LA ay agad niyang naisipan na i-produce ito ng album under her own Papin Entertainment label na ang title track ay “Isang Linggong Pag-ibig” na nilapatan ng ibang areglo para bumagay ito sa now (millennial) sound.  Nakipagtulungan si Mel (Imelda) sa composer-arranger ng kanta na si Mon del Rosario at sa Star Music na siyang magri-release nito.

Dream come-true naman para sa young singer na si LA na mai-record ang hit song ng isa sa kanyang mga idol singers na si Imelda.

Nang marinig ng marami ang recording ni LA  (including Star Music) ng kanyang sariling version ng “Isang Linggong Pag-ibig” ay agad silang nag-conclude na posible itong maging hit. Maging ang ina ni LA, ang businesswoman at concert producer na si Florita Santos, umaasa rin na sana’y ma-duplicate ng version ni LA in terms of sales ang original version ng Sentimental Songstress na si Imelda Papin.