Janjep umalis bitbit ang pangako

April 27, 2019
Wilbert Tolentino and Janjep Carlos
Wilbert Tolentino and Janjep Carlos

UMALIS ang Mr. Gay World Philippines 2019 winner na si Janjep Carlos patungong Cape Town, South Africa noong April 27 para lumaban sa Mr. Gay World. Malalaman kung tulad ni Wilbert Tolentino, na siyang may hawak ng Mr. Gay World franchise sa Pilipinas, ay maiuuwi rin niya ang korona.

May talent (o gift) si Wilbert na manghula. In fact, bago naganap ang malakas na lindol noong Lunes, April 22, naisulat niya sa kanyang social media account na may magaganap na malakas na lindol at nagbabala pa siya sa kanyang mga followers.

So nakikita ba niyang mananalo si Janjep?

"Kung magtatrabaho siya nang husto, nasa kanya na 'yun. Tutulungan siya ng Diyos," ayon kay Wilbert.

Nanalo ang 41-year-old na si Janjep, isang Kabitenyong nagbebenta ng beauty products, laban sa 16 pa noong nakaraang buwan sa naturang local franchise.

Nangako naman siya bago umalis sa isang send-off party na ginanap sa The One 690 Entertainment Bar sa Roces Ave. na gagawin ang lahat para 'di mabigo ang mga umaasang mananalo siya. "Ang laki ng pressure sa akin but I’m hoping with my all heart that my effort will pay off in the end.”

At tulad ng ibang regular na sumasali sa mga patimpalak kagandahan, lalaki man o babae, nagsanay siya sa ilalim ng Kagandahang Flores.

“Gusto ko rin kasi makatulong sa LGBTQI community, gusto kong maging boses nila,” aniya.

Alam niya na marami sa mga kauri niya ang sumasailalim sa pagsubok ng mental health issues, gayundin ang paglaban sa sexual prejudice.

Samantala, malalaman sa May 4 ang kanyang magiging kapalaran. Pero manalo man o matalo, tuluy-tuloy ang mga nasimulan niyang adbokasiya.