Jay durog sa bashers

March 06, 2020

DURUG na durog sa bashers ang former broadcast journalist na si Jay Sonza dahil sa pahayag nito na isang malaking drawing ang pamamaril sa sasakyan ni Kim Chiu noong March 4 sa kanto ng Katipunan Avenue at CP Garcia Avenue, Quezon City.

Pinutakti si Sonza ng mga basher na mahigpit na kinontra ang kanyang opinyon dahil hindi biro ang traumatic experience ni Kim na muntik nang magbuwis ng kanyang buhay, pati na ang personal assistant at driver niya.

Wagas at personal ang mga batikos laban kay Jay na nagpanggap na hindi apektado dahil masarap umano ang tulog niya.

“Para doon sa mga naghangad at nagdasal na mamatay na sana ako via Twitter kagabi, here is my message to you:

“Sige po mauna na po muna kayo, busy pa kasi po ako. Siguro pag naubos na kayo, maaaring pag-iisipan ko susunod ako.

“Salamat po at pinagkaabalahan pala ninyo ako kagabi.Hindi ko napansin kasi sarap ng tulog ko dahil maulan at saka nakadobol ako ng cognac bago nahiga. Dalangin ko yumaman at gumanda sana ang araw ninyo.”

Isa si Jay sa mga kritiko ng ABS-CBN at umaasa na hindi ma-renew ang franchise ng Kapamilya Network kaya pinaniniwalaan na nadamay lang si Kim sa kanyang personal na sama ng loob laban sa television network na dating pinaglilingkuran niya.