Jobelle kinapalan na ang mukha para sa kapatid

April 28, 2020

KINAPALAN na ng actress na si Jobelle Salvador ang kanyang mukha sa pagri-raise ng funds para sa half-blind diabetic brother na si Jonathan Salvador. Hanggang ngayon ay naka-confine pa rin ito sa Makati Medical Center at  patuloy na nagi-escalate ang hospital bill matapos ang dalawang beses na operasyon at confinement.

Ang masaklap, mag-isa lamang ang kapatid ni Jobelle sa pagamutan at walang nag-aasikaso kundi ang mga doctor at nurses.

Walang kinalaman sa coronavirus (Covid 19) ang sakit ni Jonathan kundi sa kumplikasyon ng diabetis na sanhi ng pagkakabulag nito.

Dahil nasa Las Vegas, Nevada si Jobelle at iba niyang mga kapatid, humihingi siya ng tulong sa pamamagitan ng donasyon para sa kanyang maysakit na kapatid. Ang hospital bill nito ay umabot na umano sa mahigit kalahating milyong piso at patuloy pang tumataas hangga’t hindi pa ito tuluyang magaling at nakakalabas ng pagamutan.

“He had to go under surgery again (last Saturday)  kasi daw nagka-tubig `yung sugat sa ulo.  Now, I’m more worried kasi he’s  being monitored daily,” pahayag ni Jobelle from Las Vegas.

Naka-P160K plus na ang na-raise na funds ni Jobelle for his brother pero patuloy pa rin siyang kumakatok sa puso ng mga taong puwedeng tumulong at nagpapasalamat naman siya sa mga nag-donate na.

Ayon kay Jobelle, kapag gumaling si Jonathan at nabayaran ang kanyang hospital bill, gusto niyang makabalik ito ng Las Vegas, Nevada dahil kahit papaano ay may magagawa siya roon at may disability support ang US government sa medical expenses ni Jonathan.

“Sa ngayon ay priority ko ang paggaling ng kapatid ko at ma-settle ang kanyang hospital bill,” ani Jobelle.