John hindi itinatanggi ang nagki-claim na anak

August 10, 2020

SA araw na ito ng Martes ay eksaktong isang linggo nang naka-confine ang actor na si John Regala sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) dahil sa kanyang sakit sa kidney, gout, sakit sa puso, diabetes at iba pa.

Habang naka-confine  at nagpapagaling sa pagamutan, may isang lumutang na nagki-claim na biological son  umano niya (John) na nagngangalang John Santos, isang truck driver mula sa Batangas at anak umano ng isang dating entertainer sa Japan na nagngangalang Vilma Santos (not the actress-politician).

Sa ngayon kasi, isang biological son lamang ang ina-acknowledge ni John, ang 25-year-old na si John Paul Keiffer na anak ni John sa una nitong asawang si Aurina Alvarez Manansala-Hunt na naka-base sa Mesa, Arizona, USA.

Wala naman kaming nakikitang problema kay John kung totoo ngang anak niya itong si John Santos.

Ang tanong lamang ng marami, bakit ngayon lamang ito lumantad kung kelan nasa panganib ang kalagayan ng actor?  Bakit daw hindi ito nagpakilala nung malakas pa si John?

Samantala, sinabi ng attending physician ni John sa NKTI na si Dr. Jaime Ignacio na kapag nakatayo at nakakalakad na muli si John ay puwede na itong umuwi. Puwede na rin umano itong kumain ng solid food liban lamang sa matamis at maalat. Tuturukan din ito ng steroids para ma-lessen ang pain na kanyang nararamdaman at patuloy pa rin ang medication sa kanya.