John muling humihingi ng tulong

April 18, 2020

2016 nang ma-diagnose ang 54-year-old actor na si John Regala ng cirrhosis of the liver and he has been in and out of the hospital. Pero sa kabila ng kanyang iniindang sakit ay gusto pa rin niyang magtrabaho bilang actor.

“Bigyan naman po  ninyo ako ng trabaho,” panawagan niya sa dalawang major TV networks (ABS-CBN at GMA) at maging sa iba niyang mga kasamahan sa industriya including Coco Martin nang huli naming makapanayam at makausap sa burol ng kanyang namayapang ina, ang dating actress na si Ruby Regala.

Ulila nang lubos si John sa kanyang mga magulang.  Unang sumakabilang-buhay ang kanyang estranged father, ang actor na si Mel Francisco.  At nung nakaraang January 11, 2020 ay ang kanyang inang si Ruby ang binawian ng buhay sa Amerika at mahigit isang buwan ang hinintay bago nadala sa Pilipinas ang kanyang mga labi sa tulong ng Iglesia ni Cristo at ng Dept. of Foreign Affairs (DFA).

At the wake of John’s mother, ang isang prominenteng personalidad na pumunta sa burol ay ang dating actor-producer at former President and Manila mayor na si Joseph `Erap Estrada.

Nung aktibo pa noon si Erap bilang actor at producer ay isa sa mga contract stars ng J.E. Productions si Ruby.  

At the wake, nabahala si  dating Pangulong Erap sa kalusugan ni John kaya nag-abot ito ng malaking mahalaga sa actor.  Pero ang halagang `yon ay ginastos ni John sa burol at libing ng kanyang ina. 

Taong 2016 pa nang huling mapanood si John sa telebisyon nang kunin siya ni Coco Martin sa “FPJ’s Ang Probinsyano”.  Inamin ni John na malaki ang naitulong sa kanya at sa kanyang pamilya ang guesting niyang `yon sa long-running action drama TV series.  Pero magmula noon ay wala na siyang natanggap na iba pang TV o movie assignment na lalong nagpadagdag sa kanyang depresyon.

Dahil matagal na siyang walang trabaho, walang ipon, may-sakit at nasa gitna ng enhanced community quarantine, muling nananawagan  ng tulong si John  laluna sa kanyang mga kasamahan sa industriya.  Isa sa agad nagpaabot ng tulong sa kanya ay si Coco Martin bagay na pinasasalamatan ni John.