John nabubuhay na lang sa tulong ng iba

July 29, 2020
John Regala

MAY cirrhosis of the liver ang 55-year-old actor na si John Regala at kung kelan malala na ang kanyang karamdaman at nangangailangan ng tulong ay saka naman siya namumuhay nang mag-isa. Ang tumutulong na lamang sa kanya ay ang kanyang brother-in-law na si Arnel.  Hiwalay na rin si John sa kanyang misis na si Vicky.  Wala rin kaming balita sa anak niyang si Gilbert maging sa isa pa niyang anak na nasa ibang bansa.

Taong 2016 pa huling nagkaroon ng trabaho si John nang siya’y kunin ni Coco Martin para sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”  Magmula noon ay hindi na siya halos nagkaroon ng trabaho at unti-unti na ring nag-deteriorate ang kanyang kalusugan.

Hindi ikinakaila ni John na nagumon siya sa drugs at alak at the height of his popularity. Pero pagdating ng 2000 ay unti-unti siyang nagbago. At kung anuman ang kanyang pinagdadaanan ngayon ay sanhi na rin ng pag-abuso sa sarili.

Sa simula’t sapul ay walang naging magandang relasyon si John sa kanyang namayapang ama, ang dating actor na si Mel Francisco kaya hindi nawala sa puso ni John ang hinanakit dito.

Mag-isang itinaguyod si John ng kanyang ina, ang dati ring aktres na si Ruby Regala na sumakabilang-buhay nung January 11, 2020 dahil sa brain tumor sa Amerika ilang araw matapos siyang manumpa bilang isang American citizen.

Nung nakaraang May ay muling nanawagan si John ng tulong mula sa mga kasamahan sa industriya. Isa sa mga nag-abot ng tulong pinansyal  ay si Coco Martin.

Aminado si John na matagal na siyang hindi nakakakapagpa-check-up, walang pambili ng gamot at ultimo pagkain ay madalas na siyang nalilipasan.

May kaibigan na male nurse si John na taga-Pasay City.  Dahil busy ito sa kanyang trabaho bilang frontliner ay hindi siya mapuntahan.  Last Monday, May 27 ay nagsadya ang actor sa Pasay na siya mismo ang nagmaneho ng kanyang lumang sasakyan kahit wala siya sa kundisyon.  Kasama niya ang kanyang brother in law na si Arnel. Palibhasa’y hindi pa nasasayaran ng pagkain ang kanyang sikmura ay nahilo umano siya at habang naglalakad ay nabangga umano niya ang isang grab driver na nagngangalang Carlo Clariza na siyang tumulong kay John at nag-post ng litrato sa social media.  Sa tulong ni Carlo ay natulungan si Carlo ng barangay at maging ng DSWD.  Dumating din ang kanyang kaibigang nurse na nagkabit sa kanya ng IV o suwero.  Midnight nakauwi ng bahay si John.

Ang kalagayan ni John ay nakarating sa kaalaman ni Raffy Tulfo maging ni Sen. Bong Revilla at iba pang mga kasamahan sa industriya.

Si John ay agad binigyan ni Raffy ng P100,000, mga gamot at grocery items kaya, hindi niya napigilan na maging emotional sa malaking tulong na ipinaabot sa kanya ng TV broadcaster.

Magpapadala rin umano ng tulong sina Sen. Bong at Bossing Vic Sotto at iba pa. Maging sina Julius Babao at Bernadette Sembrano sa pamamagitan ng Lingkod Kapamilya ay hindi rin nagkait ng tulong.  Nariyan din sina Nadia Montenegro at Chuckie Dreyfus na agad naglunsad ng online fundraising for John at nag-initiate na mapa-check-up ang actor at sumailalim ng dialysis procedure.

Mag-isa na lamang namumuhay si John kasama ang kanyang aso at sa tulong ni Arnel, umaasa na lamang siya sa mga iniaabot sa kanya.

Kaya, hindi napigilan ni John ang maging emotional sa malaking tulong na ipinaabot sa kanya ni Raffy Tulfo.

Ayon kay John, para na siyang `time bomb’ which can explode anytime.  Kaya kung madudugtungan pa ang kanyang buhay sa tulong ng iba (o sinuman), labis niyang pasasalamatan be it in cash or in kind.

Si John ay nakatira sa No. 1406 New Star Bldg., Central Condo, Central Avenue, Brgy. Vasra, Quezon City provided ng Iglesia ni Cristo.