John sumisigla pero bina-bash sa social media

August 08, 2020
John Regala
John Regala

NATUTUWA kaming ibalita na nagkaroon na rin ng sigla at magandang kulay ngayon ang  skin ng actor na si John Regala kumpara nung hindi pa ito nadadala sa pagamutan.

Bukod sa cirrhosis of the liver, ginagamot din kay John ang sakit sa puso matapos itong ma-stroke dahilan ng kanyang slur na pagsasalita,  pagiging diabetic pati na ang kanyang gout na siyang nagbibigay sa kanya ng matinding pain kapag sumusumpong.

Malapit na ring matupad ang pangarap ni John na makita at makausap ang kanyang biological son na si Kieffer na hanggang ngayon ay may reservation pa ring makipag-usap sa kanya.

Kinausap na rin si Kieffer ng kanyang stepdad na si Stephen Hunt na kausapin na nito ang ama (John) para matupad ang kahilingan nito at nangako raw ito na gagawin niya ito over the weekend.

Sa apat na araw ni John sa National Kidney & Transplant Institute (NKTI), malaki na rin ang improvement sa kanyang kalusugan although hindi pa rin ito nakakakain ng solid food.  Hindi pa rin siya nakakatayo at nakapaglalakad.

Si Dr. Jaime Ignacio ang attending physician ni John sa NKTI although there are other doctors attending to him.

We have to admit that John is not a cooperative patient dahil parati siyang restless, pero nama-manage naman siya ng doctors at nurses.

Habang hindi pa tuluyang magaling si John at nasa loob pa ng pagamutan, patuloy po kaming kumakatok ng tulong for him lalupa’t umaandar din ang kanyang hospital bills.

Bukod sa grupo namin nina Nadia Montenegro, Chuckie Dreyfus, Liza Dino at Dra. Mel Poch, hindi rin bumibitaw sa amin si Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong at mga congressional staff na sina Vina Pastor, CJ Decudine Dalen, Cel Pastora at Maridon.  Maraming salamat din kina Teddy Imperial at Bem Santillan na nag-alaga kay John.

Dahil sa pandemya, no visitors are allowed sa pagamutan at isang bantay lamang ang allowed sa mga non-covid patients at kasama na roon si John who was tested negative of Covid-19.

Samantala, nalulungkot kami para sa iba nating mga kababayan at kasamahan ni John sa industriya na nakuha pang tirahin ang actor sa kanyang social media account kahit malala na ang sitwasyon nito.

Habang ang ibang tao ay gumagawa ng paraan na pahabain ang buhay ng ailing actor, ang iba naman ay walang habag na binibira pa ito.