Kita sa YouTube vlogs, idinonate ni Kris

April 15, 2020
Kris Bernal

DAHIL sa ipinatupad na enhanced community quarantine, ilan sa mga pampalipas-oras ng mga netizen ay ang panonood ng vlogs ng mga sikat na vlogger maging celebrities.

Isa ang Kapuso actress na si Kris Bernal sa mga celebrity na may growing YouTube channel with over 200,000 subscribers.

Sa kanyang recent vlog, ibinida ni Kris ang Silver Play Button na natanggap mula mismo sa YouTube bilang pagkilala sa channel niya na lumagpas na ng 100,000 subscribers.

Dahil matunog ngayon ang paggamit ng social media bilang source of income, ibinahagi ni Kris ang kanyang unang sweldo sa YouTube na umabot ng $400 o ‎₱20,000.

“So ’yung first income ko, dinonate ko sa iba't ibang animal welfare organizations kasi mahilig nga ako sa aso and may alagang akong pusa,” aniya sabay pasalamat sa mga subscriber sa hindi pag-skip ng ads.

Bukod sa pagtulong sa mga hayop, tinutulungan din ni Kris ang mga freelancer sa pamamagitan ng pagpapa-edit ng kanyang mga vlog.

“To video editors out there who want to work with me, feel free to send me an e-mail with your sample works attached. Glad to be of help to freelancers during this challenging time,” dagdag ng Kapuso actress.