Klaudia di  makauwi para makita ang namatay na ina

August 16, 2020
Klaudia Koronel
Klaudia Koronel

PUMANAW na ang ina ang dating sexy actress na si Klaudia Koronel (Milfe Dacula in real life) nung nakaraang Sabado.  Ang masakit, hindi makakauwi ng Pilipinas si Klaudia dahil sa pandemya gayundin ang isa niyang kapatid na nasa Mindoro dahil walang masakyan.  Ang isang kapatid ni Klaudia na kasama ng kanilang namapayang ina ay siyang mag-isang mag-aasikaso.

Masakit sa kalooban ni Klaudia na hindi man lamang niya makikita sa huling pagkakataon ang  kanyang ina bago ito ihatid sa huling hantungan.

Si Klaudia  ay hiwalay na sa kanyang Chinese-American husband na isang businessman na si Andy Zhang na kanyang pinakasalan sa Pilipinas nung August 28, 2009.

Sa pagkakaalam namin, maganda ang buhay ngayon ng dating actress sa Amerika dahil nagma-manage ito ng sarili niyang care home sa Arizona, USA sa tulong ng dating mister.

Nung aktibo pa si Klaudia sa kanyang showbiz career sa Pilipinas ay marami itong pelikulang nagawa at kasama na rito ang “Pisil,” “Kesong Puti,” “Anakan Mo Ako,” “Dugo ng Birhen,” “Sagot Ko ang Buhay Mo,” “Torotot,” “Pasasabugin Ko ang Buhay Mo” at marami pang iba.

Nakuha naman ni Klaudia ang kanyang kauna-unahang Gawad Urian trophy bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang “Live Show” in 2001 na dinirek ni Jose Javier Reyes under Regal Entertainment.