Korina weird ang feeling nang unang makita ang kambal

April 26, 2019
Korina Sanchez

SA morning TV show na 'Magandang Buhay' kahapon, inamin ng veteran TV journalist/broadcaster na si Korina Sanchez na hindi siya ganoon ka-excited makita ang kanyang kambal na anak na sina Pepe and Pilar for the first time.

"Parang weird," aniya sa tatlong hosts na sina Jolina Magdangal, Karla Estrada at Melai Cantiveros. "Hindi kasi ako ang nagdala sa kanila 'di katulad ninyo (sa mga anak ninyo)."

Ayon kay Korina, ang proseso ng pagtanggap at pagmamahal sa mga bata ay unti-unti ang pagyabong at nararamdaman niyang mas matibay na ito ngayon. At bilang first time mom, talagang pinag-aralan niyang mabuti ang lahat mula sa pagpapadede at pagpapalit ng lampin sa dalawa. Sa Amerika kung saan ipinanganak ang dalawa, inumpisahan niya ang pagharap sa isang bagong responsibilidad.

"Pinaalis ko (sa room) ang mga nurse," ayon kay Korina. "Talagang gusto kong ako ang gagawa ng lahat para sa kanila."

Hindi pa man eksperto bilang ina, inamin niyang marami na ang nagbago sa kanyang pananaw ngayon. Nararamdaman na niya ang kakaibang inspirasyon na dala ng dalawang "human beings" na ibinigay sa kanya ng Diyos.

Samantala, ipinahayag din ni Korina na gusto niyang mga mas bata ang maging ninong at ninang ng kanilang kambal ng mister na si Mar Roxas. "Gusto ko si Daniel (Padilla). Gusto ko rin si Kathryn (Bernardo). Gusto ko mga mas bata ang mag-guide sa kanila. Parang mga pinsan nila," ani Korina.