Maganda ang intensyon pero pinupuna

March 01, 2020
Matteo Guidicelli and Sarah Geronimo

ANG relationship counsellor nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli na si Letty Fuentes ang nagkuwento sa TV Patrol ng ABS-CBN ng mga detalye tungkol sa kaguluhan na naganap dahil sa surprise arrival ni Divine sa wedding reception ng bagong kasal na ginanap sa isang restaurant sa Bonifacio Global City noong February 20, 2020.

Nanggaling kay Fuentes ang kuwento na natumba at gumulong sila ni Sarah sa sahig ng restaurant dahil naitulak ang singer-actress ng kanyang ina.

Nang lumantad si Fuentes, marami ang nag-akala na may permiso nina Sarah at Matteo ang pagsasalita niya sa primetime news program ng ABS-CBN.

Pero lumitaw ang katotohanan na kusang-loob ang pagpapainterbyu ni Fuentes sa TV Patrol showbiz reporter na si MJ Felipe.

Maganda ang motibo ni Fuentes, ang lumabas ang katotohanan para mahinto na ang mga maling kuwento tungkol sa mga nangyari noong fateful night ng February 20.

Pinabulaanan din ni Fuentes ang paulit-ulit na pahayag ni Jerry Tamara na sinuntok ito ni Matteo. Si Tamara ang bodyguard ni Sarah na naging susi para malaman ni Divine ang lugar na kinaroroonan ng bagong kasal.

Unfortunately, sa kabila ng magandang intensyon ni Fuentes, may mga nagsasabi na hindi na siya dapat nagsalita, lalo na kung walang pahintulot nina Sarah at Matteo dahil bilang relationship counsellor ng dalawa, alam niya dapat ang kanyang mga limitasyon.