Malalaking bituin, pinagsama-sama sa ‘The General’s Daughter’

January 16, 2019
Angel Locsin

Puno ng aksyon ang pagsasama-sama ng pinakamahuhusay na aktor ng iba’t ibang henerasyon sa seryeng The General’s Daughter na mapapanood simula sa  Enero 21.

Pinangungunahan ito ng nagbabalik-primetime na si Angel Locsin na gaganap bilang Rhian Bonifacio, anak ng tinitingalang heneral ng militar na patuloy na maghahangad ng pagmamahal ng pamilya.

Itinuturing nga ni Angel na isa ito sa pinakamahirap na karakter na kanyang ginampanan sa isang serye.

“Marami akong nagawang roles, pero masasabi ko na ito ’yung pinaka-complex na character na gagawin ko. Mahirap po siya. Pero fun dahil ang mga kaeksena ko, magagaling umarte, so nakakakuha ako sa kanila ng emosyon,” sabi ng aktres.

“I think ito ’yung perfect moment na babalik po ako sa teleserye. Parang nandito po lahat ’yung dream ko makatrabaho. Napapaligiran (ako) ng mga idol ko po, mga tinitingala at nirerespeto ko po sa industriya,”  dagdag ni Angel.

Nasa serye ang beteranong aktor na si Tirso Cruz III bilang si Gen. Santiago Guerrero, ama ni Rhian na huhubog sa kanya bilang pinakamagaling na sandata laban sa kalaban.

Kasama rin nila si Amelia, gagampanan ni Janice de Belen, ina ni Rhian na puno ng galit dahil sa pagkamatay ng panganay na anak.

Kaabang-abang din ang muling paglabas sa primetime ni Albert Martinez bilang Gen. Marcial de Leon, mortal na kaaway ni Santiago na sinisisi nito sa pagkamatay ng anak.

Muli ring pabibilibin ni Eula Valdez ang manonood sa pagganap niya kay Corazon, butihing asawa ni Marcial.

Magiging balakid kay Rhian ang pag-ibig sa pagpasok sa buhay niya nina Franco (Paulo Avelino) at Ethan (JC de Vera), na mag-aagawan para sa pagmamahal niya.         Makikilala rin niya ang karibal na si Jessie (Ryza Cenon), dating nobya ni Ethan na makikipagkumpitensya sa kanya para muling makuha ang dating mahal.

Samantala, makakasama rin sa serye ang batikang aktres at diamond star na si Maricel Soriano sa pagganap niya bilang Isabelle, ang babaeng kukupkop kay Rhian matapos mabaril at malunod sa dagat.

Ipapakita naman ni Arjo Atayde ang husay sa pag-arte bilang special child na si Elai, anak ni Isabelle. Patutunayan niya kay Rhian na sa puso makikita ang tunay na karakter ng tao.

Magbibigay-kulay din sa serye sina Ronnie Alonte bilang si Ivan at Loisa Andalio bilang Claire.

Ang The General’s Daughter ay nasa ilalim ng direksyon nina Manny Palo at Mervyn Brondial.