Marian at Maine, biktima ng online scam at fake accounts

April 20, 2020
Marian Rivera & Maine Mendoza.

SA gitna ng enhanced community quarantine, parehong biktima ng online scam at pekeng social media accounts sina Marian Rivera at Maine Mendoza.

Una nang pumalag ang Kapuso Primetime Queen sa kanyang Instagram Story at du’n nagbigay ng babala sa fans at followers.

Nilinaw ni Marian na peke ang account na gumamit pa ng litrato niya bilabg profile picture.

Ayon sa fake account, mamimigay ito ng P5,000 sa mga Kapuso kailangan lang na mag-message ang mga gustong makatanggap ng cash gift.

Pero buwelta ng aktres, “Pawang kasinungalingan po ito!!! FAKE!!!”

Halos ganun din ang ginawang panggagamit kay Maine. Mamimigay din daw ito ng cash gift at kinasangkapan pa ng scammer ang programang “Eat Bulaga.”

Kaya naman agad na naglabas ng paglilinaw ang manager nina Marian at Maine na si Rams David ng Triple A sa kanyang Facebook account para balaan ang publiko sa panloloko.

Ani Rams sa nanggagamit kay Marian, “Sa panahon ng krisis, nakuha mo pang gumamit ng pangalan at mukha. Higit pa dun ay nanloloko ka pa ng kapwa. Wag naman kababayan, wag naman. Mag ingat po sa mga ganitong FAKE ACCOUNT. Salamat po. God bless us all.”

Para sa kaso naman ni Maine, diin ni Rams, “Isa pa itong MANDARAMBONG na ito, gumamit ng pangalan ng artista @mainedcm, gumamit ng programa Eat Bulaga at gumamit ng TV Network boss para makapanloko. Mahiya naman kayo!!! Mag iingat po tayo sa mga fake promos at fake accounts.”