Marian at Zia, nag-bonding sa pagbe-bake

April 04, 2020
Marian Rivera & Dingdong Dantes

ALOK NA TRABAHO NI DINGDONG, 'DI KAILANGAN NG EXPERIENCE.

PAGKATAPOS ibahagi ang personal na pagluluto ng “family specialty” na Menudo ni Nanay Ingkang para sa magigiting nating COVID-19 frontliners, nag-share naman si Marian Rivera ng ilang pictures sa Instagram habang tinuturuan ang panganay na si Zia ngayong quarantine period at kanselado ang pasok sa lahat ng eskwelahan.

Siya nga ang tumatayong tutor o teacher ng anak nila ni Dingdong Dantes. Nariyang mag-aral sila ng alphabet at kahapon, baking naman ang naging lesson nila.

Ipinost ni Marian ang picture ni Zia habang naghahalo ng mixture ng hazelnut brownie bars na umani ng mga positibong komento mula sa netizens.

Kung ang kanyang mag-ina ay busy sa mga gawaing pambahay, ang bida naman ng Kapuso series na “Descendants of the Sun” na si Dingdong, abala sa pagtulong sa #SanaOL campaign ng Jobstreet at Wordabroad PH bilang pinuno ng YesPinoy Foundation.

Tanong ng aktor sa kanyang Instagram post, “Gusto mo ba ng trabaho habang naka-home quarantine?”

Ang proyekto umano na #SanaOL ay nag-aalok ng livelihood opportunities sa ating mga kababayan sa gitna ng COVID-19 crisis.

Patuloy ni Dingdong, “May online jobs para sa freelancers, sa mga naghahanap ng alternative work, at sa K-12/High School graduates. May home-based jobs din na ‘no experience needed’ at interview na pwedeng sa telepono lang!”

Kailangan lang daw sundan ang link na bit.ly/SanaOLJobs para sa iba pang impormasyon ukol sa alok na ito in partnership with the Department of Labor and Employment.