Mga anak ni Nadia madiskarte

July 25, 2020

MAHIGIT tatlong taon nang sumakabilang-buhay ang dating mayor ng Caloocan na si Macario `Boy’ Asistio, Jr. na naging longtime partner ng actress-host-entrepreneur na si Nadia Montenegro.

Boy passed away nung February 6, 2017, at devastated ang pitong anak ng actress at isang apo (ng namayapa sa isa nilang anak ng US-based singer-actress na si Djhoanna Garcia) na si Samantha (16)  na lumaki sa pangangalaga ni Nadia since she was two months old.

Ang pitong biological children ni Nadia sa nasirang Boy Asistio ay sina Alyssa (30), Alynna (28), Alyana (26), Anykka (24) Xander (21), Ayisha (15) at Angela Sophia (14).  Sa magkakapatid, si Ayisha ang papa’s girl at ito ang sobrang naapektuhan sa pagkawala ng ama kaya sa murang edad ay nagtangkang wakasan ang kanyang buhay.

Para sa amin, Super Mom si Nadia dahil hindi biro na mag-raise ng walong anak. Lima rito ay nakapagtapos na ng pag-aaral. Ang pinakahuling grumadweyt ay ang kaisa-isa niyang anak na lalake na si Xander na nagtapos ng Political Science.

Malaki ang naging epekto kay Nadia at sa mga anak ang nakaraang lockdown. Sila’y nagtulungan at nagsuportahan kaya naitawid nila ang pang-araw-araw na pangangailangan. Nagawa pa nilang magpakain ng ilang libong pamilya sa gitna ng lockdown sa loob ng dalawang buwan.

Aktibo rin si Nadia sa kanyang online cooking show, ang “Cucina ni Nadia”.

Tulad ni Nadia, madiskarte ang kanyang mga anak na nakaisip ng online food delivery business.

Ang panganay na si Alyssa na nagtapos ng dentistry ay sarado ang clinic. Si Ynna (Alynna) ay isang Certified Diamond Specialist na nagtapos sa Gemology Institute of America-GIA) pero nagsara rin ang dalawang business.  Culinary graduate naman si Alyana sa ISCHAM habang sina Anykka at Alexander ay parehong nagtapos ng Political Science. 

Ang isang ipinagpapasalamat ni Nadia ay nabiyayaan siya ng mababait, masunurin, respectful  at responsible children.

“They are my treasures!” pagmamalaki pa ng actress.

“When I grow old at hindi ko na kayang maghanap-buhay para sa kanila, alam kong hindi ako pababayaan ng mga anak ko,” dugtong pa niya.

Samantala, inamin ni Nadia na 24 lahat ang mga anak ni Boy saiba’tibang babae pero close lahat ang magkakapatid at kasama na rito ang isang anak sa dating actress na si Veronica Jones at dalawa sa singer-actress na si Djhoanna Garcia na naka-base na ngayon sa Amerika.