Mga impostor at manggagamit, kakasuhan ni Pokwang

April 24, 2020

Nanawagan na si Pokwang sa mga kapwa artista para labanan ang mga mapagsamantalang tao na ginagamit ang mga pangalan nila para manloko ng tao sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa.

“Hay naku! Nanawagan ako sa lahat ng kapwa ko mga artista na biktima nitong mga mapagpanggap na impostor na account, na mga fake account na ginagamit ang picture natin at pamilya natin sa Facebook para kumita sila ng pera,” pahayag ni Pokwang sa kanyang video sa Instagram.

“Magsama-sama tayo maghain tayo ng kaso, nakakaloka kasi, hindi ba? Tapos mga nanghihingi pa ng pera, ang kakapal ng mukha. Kayo na gumagawa ng mga ganito, tandaan niyo, lahat ng mga panlalamang niyo sa kapwa lahat 'yan ay may balik sa inyo at sa buong pamilya niyo na pinapakain niyo ng nakaw,” imbyernang saad pa ng komedyana.

“MATAKOT KAYO SA KARMA MGA IMPOSTOR SA FACEBOOK!!! At sa YOUTUBE NARIN!!” ang caption ni Pokie sa kanyang video.

Matatandaang ilang araw nang inirereklamo ni Pokwang ang tungkol sa fake account niya sa Facebook na diumano ay nanghihingi ng donasyon para sa mga apektado ng COVID-19.

May mga tao raw na akala ay legit account ni Pokwang iyon kaya nagpapadala sila ng donasyon lalo pa nga’t kilala ang komedyana na isa sa mga tumutulong sa apektado ng COVID-19.