Mga walang utang na loob

April 04, 2019

IN showbiz, hindi na bago sa maraming celebrities ang malunod sa kasikatan.  Hindi lamang ang kanilang pangalan at anyo ang nagbabago kundi maging ang kanilang ugali.

Isang kilala at respetadong entertainment editor/columnist ang hindi nakaligtas sa pag-uugali ng ilang kilalang personalidad sa showbiz. Kaya nawala na rin ang kanyang amor sa mga ito. Very particular siya sa dalawang kilalang singer-actresses na nung nagsisimula pa lamang ay kulang na lamang na maglumuhod sa kanya para lamang maisulat.  Ang ironic pa rito, naging isa sa mga hurado ang kilalang entertainment editor/columnist nang maging contestant ang isang singer-actress na siyang nanalo noon sa patimpalak.

Sa simula ng singing career ng singer-actress ay sobra itong magiliw sa mga entertainment writers pero lately matapos umarangkada ang career ay nag-iba na umano ang ugali nito.  Hindi na umano ito basta-basta nagga-grant ng interview.

One time, ang kilalang entertainment editor/columnist ay gustong ma-interview ang kilalang singer-actress for a special feature sa kanyang diyaryo.  Humingi umano ang singer-actress ng questionnaire pero ang ending ay hindi pa rin ito nagpa-interview.  Magmula noon, lahat ng mga presscon or special events ng singer-actress ay hindi na niya pinupuntahan.  Ganundin ang pakiramdam ng editor/columnist sa isa pang popular singer-actress na ang mister ay taga-showbiz din.  

“Marami sa showbiz ang madaling malunod sa isang basong tubig lamang,” diin ng kilalang editor/columnist na marami-raming pangalan ng mga walang utang na loob ang nasa kanyang listahan.