Mikael at Megan, nag-away sa gitna ng lockdown

April 15, 2020
Mikael Daez  & Megan Young

HINDI maiiwasan na magkairingan ang mga magkarelasyon ngayon na stuck sa kani-kanilang tahanan mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.

Gaya na lamang ng recently-married Kapuso couple na sina Mikael Daez at Megan Young.

Sa kanilang YouTube podcast na #BehindRelationshipGoals, ibinahagi ng dalawa ang pag-aaway dahil hindi ma-deliver nang maayos ni Megan ang linya habang nagshu-shoot sila sa bahay para sa isang brand.

Ayon kay Mikael, parehas silang na-frustrate dahil sa nasayang na oras at sa huli ay umiyak si Megan dahil hindi niya kayang ituloy ang naturang shoot.

Dagdag pa ni Mikael, sadyang may personality trait ang asawa niya na minsan ay mahiyain kahit pa na nanalo ito ng Miss World 2013 at aakalain mong confident and graceful ito sa lahat ng oras.

Aminado naman si Megan na nagpatalo siya sa kanyang takot at sinigurado lang daw niya na nailabas niya ang kanyang sama ng loob.

Sa huli, nagbati rin sina Megan at Mikael sa pag-uusap ng masinsinan.

“I think the most important tool that we had in our relationship is being able to settle down quickly and talk about it,” saad ni Mikael.

Samantala, dahil tigil muna sa taping, pansamantalang mapapanood ang “My Husband’s Lover” sa timeslot ng “Love of my Life” na pinagbibidahan ni Mikael sa GMA Telebabad.

Magbabalik-telebisyon din si Megan sa GMA series na “Legal Wives” kasama ang leading man na si Dennis Trillo.