Mylene at Kyline nagkaisa sa trip ngayong quarantine

April 17, 2020
Mylene Dizon and Kyline Alcantara
Mylene Dizon and Kyline Alcantara

PARA kina Mylene Dizon at Kyline Alcantara (mga bituin ng GMA series na Bilangin ang Bituin sa Langit), pagtatanim sa kanilang bakuran ang trip nilang gawin habang naka-quarantine. 

Mula pa noong Marso 17 ay sa Silang, Cavite naka-base si Mylene na likas daw mahilig magtanim ng mga gulay at prutas. Magandang panahon na bigyang-pansin ito ng actress lalo pa at hinihikayat ng Department of Agriculture na pinamumunuan ni Sec. William Dar na magtanim ang mga tao sa kanilang bakuran upang hindi lang sa palengke umaasa ng food supply. “Inumpisahan ko 'to nu'ng lockdown kasi dati nu'ng nagte-taping ako lagi hindi ko na masyadong nabibigyan ng pansin. Pero ngayon, araw-araw at least naaasikaso ko 'yung garden ko. Importante kasi ang food security lalo na sa mga panahon na ito,” ani ni Mylene. 

Sa Bicol naman nagpapalipas ng quarantine si Kyline na nahihilig din sa pagba-backyard farming, “Katulad nga po ngayon, lockdown, hindi po natin kailangan maging dependent sa palengke at makatutulong pa po tayo sa ating mga frontliners dahil mas male-lessen pa po ang ating paglabas-labas,” lahad ng aktres.