Nagtatago sa likod ng face mask

March 03, 2020

Sa interview ni Tulfo kay Tamara habang nasa opisina sila ng Viva, sinabi ng bodyguard na sinabihan siya ng ina ni Sarah na si  Divine na huwag makipag-ayos kay Matteo.

“Sabi niya, dapat nasa proseso daw.’yung ginawa ni Sir Matteo, dapat panagutan ‘yung mga pangyayari at  malinis ‘yung pangalan ko.

“Kusang-loob po talaga na pumunta sa inyo. Sa akin naman Sir, gusto ko naman talaga na maayos na para wala na rin gulo. Gusto ko rin makaharap si Ma'am Sarah at Sir Matteo talaga,” ani Tamara na consistent sa pagsusuot ng face mask mula nang lumantad siya sa publiko para isiwalat ang diumano’y pananakit sa kanya ni Matteo.

Apparently, gumamit  si Tamara ng face mask para ikubli sa publiko ang kabuuan ng kanyang mukha at hindi dahil sa pinoprotektahan niya ang sarili mula sa dreaded disease na COVID-19.

Higit na kailangan ngayon ni Tamara ang paggamit ng face mask upang hindi siya masyadong nakilala at makaiwas  sa mga batikos ng publiko na hinuhusgahan ang kanyang pagkatao dahil sa paghingi niya ng P1.5 million para hindi na niya ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban kay Matteo, isang aksyon na hindi inaasahan at posibleng ikinabigla ni Divine.

Ang ina ni Sarah ang diumano’y itinuturo na gumawa ng paraan para “ipa-Tulfo” ni Tamara si Matteo na nangyari noong February 24 pero bumaligtad ang bodyguard dahil mas pinahalagahan nito ang kabuhayan showcase kesa sa kanyang dangal.