Naudlot na pagsabak ni Piolo sa pulitika, ibinuko ni Yul

February 26, 2019

Sa pagharap ni Manila (3rd district) Representative Yul Servo, para sa isang belated birthday/thanksgiving dinner sa entertainment press nu’ng Lunes ng gabi, pinasalamatan niya ang kaibigang si Piolo Pascual sa patuloy na suporta sa kanya.

Tuwing Pasko raw at birthday ni Piolo, namamahagi ang aktor ng tulong sa constituents ni Yul.

Katunayan, sa nakaraan nitong birthday, nagpadala raw si Piolo ng 1,500 ham and goods na sabi ni Yul, ikinakalat niyang ipamigay at hindi lang sa iisang lugar ng kanyang distrito.

Minsan pa nga raw, nagpa-concert si Piolo sa distrito ni Yul at isinama ang iba pang mga taga-ASAP.         

Kaya naman nagpapasalamat sa kanya si Yul.

Wala na raw kaso sa kanya ang pagtsitsismis ng mga intrigero’t intrigera sa kanila Piolo.

Dedma na raw siya sa hindi mamatay-matay na isyu.

Natutuwa na lang si Yul na kahit walang posisyon sa gobyerno, patuloy pa ring tumutulong sa mahihirap ang kaibigang aktor.

Napagkuwentuhan daw nila dati na gustong tumakbo na mayor sa Pasig City si Piolo.

Pero hindi raw ito itinuloy ng aktor.

Hindi na nagtanong si Yul kung bakit hindi itinuloy ni Piolo ang plano.

Walang sinusuportahang kandidato si Piolo.

Kahit si Yul,  hindi siya sinuportahan at naiintindihan naman daw ito ng kongresista.

Matagal na raw siyang tumatakbo (naka-three terms siya as councilor at isang term as representative) at nagpapasalamat na lagi naman siyang nananalo.