Pagbuhos ng tubig sa production crew, pinigilan daw ni Susan Roces

February 22, 2020

SINA Jericho Rosales, Coco Martin, Yassi Pressman at ang cast ng Ang Probinsyano ang ilan sa mga contract star ng ABS-CBN na lumahok sa protest rally na naganap sa paligid ng ABS-CBN compound noong Biyernes, February 21, 2020.

Sinuportahan ng mga nabanggit na artista ang mga empleyado ng Kapamilya Network na nananawagan na i-renew ang franchise ng kanilang pinaglilingkuran na kompanya.

Sa interview kay Coco, sinabi nito na kailangan nila na ipakita ang kanilang suporta sa ABS-CBN.

“Hindi lang kami na nagtatrabaho sa ABS-CBN kundi ang lahat ng mga Pilipino kasi hindi natin dapat pigilan ang tao na makapagsalita.Kailangan maging malaya pa rin tayo kung ano ang ‘yung opinyon at saloobin natin. Kailangan mapanindigan natin at masabi natin ang nararamdaman natin tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa ating bansa,” ang pahayag ni Coco.

Samantala, muling ginamit ni Robin Padilla ang freedom of expression nang mag-post siya kahapon sa kanyang mga social media account tungkol sa kuwento niya na diumano, binuhusan ni Coco ng tubig ang natutulog na production crew na pinabulaanan na ng kampo ng star ng Ang Probinsyano.

“Ang pagbuhos po ng tubig ay totoong naganap at mismong ang reyna ng Pelikulang Pilipino ang nagbawal po kay Direk Coco na gawin ‘yun dahil po kahit minsan ay hindi po ginawa yun ng hari ng pelikula na si FPJ salamat po,” ang post ni Robin sa kanyang Facebook at Instagram account.