Pagtakbo ni Bong, Divine Providence

January 14, 2019
Bong Revilla Jr. & Lani Mercado

Wala na sanang balak tumakbo pa si Bong Revilla bilang senador ngayong 2019 elections lalo pa nga’t sa period ng filing of candidacy ay nasa loob pa siya ng Camp Crame. 

“Wala akong intensyon (na tumakbo). Ang hihilingin mo lang, makalabas ka,” ani Bong. 

Nagkataon daw na nakita lang ng asawa niyang si Bacoor Mayor Lani Mercado ang survey sa senatorial candidates na lumabas last August kung saan ay nasa pang-number eight siya. 

“So, sabi ko, kung nandidito pa ako, talagang ’yung tao, talagang hindi sila bumitaw. Mahal pa rin nila ako,” ani Bong. 

“Hanggang sa dumating ang Sept. 25, pumunta rin ’yung mga kapartido ko, na sabi, ‘mag-file ka ng candidacy, at ikaw ay sa tingin namin, mananalo’ dahil siguro, nakita rin nila ’yung survey na ’yun, ’yung 25,000 respondents na ’yun,” dagdag niya. 

Pinag-aralan daw niyang mabuti kung tatakbo siya o hindi at nag-decide raw siya ng later part ng September na rin. 

Matatandaan ngang si Lani ang nag-file ng CoC (certificate of candidacy) ni Bong last October. 

Lahat daw ’yan ay ipinagdasal at parang itinuro raw ng Panginoon sa kanya ang dapat gawin. 

“Sabi ko nga, Divine Providence nga. Ang masasabi ko lang, totoong may Diyos,” he said. 

Kung tutuusin ay hindi naman kailangan na ni Bong ang maging politiko dahil kumikita naman siya nang malaki sa pag-aartista. 

“Sa pelikula, sabi ko nga, isang suntok, isang gulong, isang halik, pera na ’yan, eh. Masarap pa ’yung halik,” sabi niyang natatawa, pero sabay-bawi rin naman dahil naririnig siya ng asawa. 

“Joke lang,” aniya.

Patuloy ni Bong, sa pag-aartista pa lang ay okay na ang buhay niya. Pero gusto niya raw ibalik sa taong bayan ang pagsisilbi.

Sa kanyang pagbabalik ngayon, ipaglalaban pa rin daw niya ang mga taong naaapi pati na rin daw ang mga biktima ng bullying na tulad niya.

Of course, ang pagtulong sa showbiz ay hindi pa rin niya kakalimutan tulad ng pagtulong niya noong siya’y nakaupo pa at isa na rito ay ang batas na ginawa niya na pababain ang amusement tax from 30  to 10 percent.