Palengke sa San Juan, ginulo ni Edu

February 01, 2019

RAVE ang audience ng Magandang Buhay at ang followers ni Edu Manzano sa Instagram sa ginawang feature ng ABS-CBN morning show sa bahay ng aktor sa San Juan kamakailan.

Comment ng isang netizen, para raw palang art gallery ang bahay ng isa sa mga bida ng FPJ’s Ang Probinsyano dahil sa laki ng painting/art collection nito.

Lingid sa kaalaman ng marami, mahigit sampung taon nang naninirahan sa San Juan si Edu, kung saan kumakandidato ito ngayon sa pagka-kongresista sa May midterm elections.

Katunayan, makikita rin sa IG ng ama ni Luis Manzano ang pagkagiliw ng kapwa niya San Juaneños saan man siya mapadpad.

Siyempre, hindi nawawala ang mga tumatawag sa kanya ng “Lucas Cabrera,” ang karakter na ginagampanan niya sa action seryeng tinatampukan ni Coco Martin sa Kapamilya network.

Biro naman ni Edu habang nagkakagulo ang mga tindero’t tindera, “Sino ba ’yang Lucas Cabrera na ’yan at panay ’yan ang sigaw ng mga tao habang nasa San Juan ako? Iharap niyo siya sa akin, ngayon na!”

Seriously, anang aktor, “It’s always fun na makipagbiruan sa ating mga local vendor (dahil bumisita siya sa isang palengke at ipinost ang video sa kanyang IG account). Marami pa tayong maitutulong sa kanila. Let’s all look forward to a better 2019. Salamuch sa inyong tiwala!” at nilagyan ng hashtag na #MaaasahanNinyo.

Kung dati-rati’y makikita si Edu na ipinapasyal ang mga alagang aso sa kanilang barangay sa San Juan, ngayon, mas madalas siyang makitang napapalibutan ng maraming taong nagpapaabot ng suporta sa kanyang pagtakbo.

Kailan lamang, maging ang INC, inimbita siya sa isang pagtitipon.

Kaya naman ani Edu, “Maraming salamat sa pag-imbita sa isang mapagpalang malawakang pamamahayag na ito mula sa mga kapatid sa INC. Nakakataba ng puso ang mainit na pagtanggap sa pagtitipon na ito.”