Paolo may kakaibang take sa unboxing video

August 25, 2020
Paolo Contis

HINDI nawawalan ng twists ang Kapuso actor/comedian na si Paolo Contis. Sa kanyang YouTube channel, kung ang madalas na ginagawa ng ibang vloggers ay “unboxing videos,” isang “AngBoxing” video naman ang ginawa ni Paolo.

“Alam ninyo noong mga nakaraang araw, nahirapan akong mag-isip ng mga bagong content kasi nauubusan tayo. So, nagdecide ako na tumingin ng ibang content at ano 'yung ginagawa ng mga tao. Naisip ko, e, medyo sikat 'yung unboxing. Pero siyempre, hindi ko naman kayang gumaya masyado sa mga unboxing kaya naisipan ko na gumawa ng content na AngBoxing. Itong AngBoxing ay wala lang na content. Ikakahon ko lang 'yung mga gamit-gamit -- 'yun na 'yung AngBoxing,” paliwanag ni Paolo. 

Para sa kanyang unang AngBoxing video, ang kanyang Infinity Gauntlet mula sa Marvel Cinematic Universe na “The Avengers” ang ikinahon ni Paolo. 

Ibinahagi rin ng Bubble Gang at All-Out Sundays mainstay ang dahilan kung bakit niya ito ibinalik sa tamang lalagyan. 

“Alam n'yo, malamang iisipin niyo na sobrang walang kwenta 'yung content but kaya ginawa ko ito kasi maraming times na hinihingi ito ni Aki. Hindi ko ibinibigay kasi sabi ko sa kanya, 'Patunayan mo muna na kaya mong mag-alaga ng gamit.’”

Dugtong niya, “So he asked if he can have it and I think it's time.”