Paolo tahimik sa dahilan ng hiwalayan nila ni Mylene

July 04, 2019

HINDI namin agad nakilala si Paolo Paraiso nang paupuin siya ng PR girl ng GMA7 na si Marian Domingo sa tabi namin for interview sa presscon ng “The Better Woman.” May kakaiba kasi sa actor-model ngayon. Agree rin ang mg kasama kong movie press.

“May nabago ba sa mukha mo?,“ tanong namin. “Guwapo ka na noon, pero mas guwapo ka ngayon.”

Natawa siya sa tanong namin, at agree pa rin ang mga kasama kong nag-i-interview sa kanya.

Posibleng dumating na ang tamang panahon kay Paolo. Napakaganda kasi ng role niya sa seryeng ito (The Better Woman). Siya ang magiging karibal ni Derek sa kakambal ni Andrea sa serye. At isang magaling na surfer ang role niya. Maipakikita ni Paolo ang maganda niyang pangangatawan dito. Tiyak na lalabas ang sex appeal na matagal niyang itinago.

Samantala, naitanong din namin kung bakit hindi niya pinakasalan ang ina ng dalawa nilang anak ni Mylene Dizon. Malalaki na ang mga ito ngayon. Mga binatilyo na sina Tomas (14) at Lucas (10).

Napaka-gentleman niya na umiwas nang ungkatin namin ang dahilan. Pero, okey naman daw ang paghihiwalay nila dahil iniiwan naman sa kanya ni Mylene ang mga bata kapag may tapings ito sa “Sahaya”.

Mas gusto niyang pag-usapan ang ilang negosyo niya kasosyo ang ilang kaibigan. Sumasali na rin siya bilang producer ng ilang indie movies.