Pepe Smith, pumanaw na

January 28, 2019
Pepe Smith

NAGLUKSA ang industriya ng musika kahapon sa pagpanaw ng Pinoy rock icon na si Joey “Pepe” Smith sa edad na 71.

Isa ang action superstar na si Robin Padilla, bida ng filmbio na Bato: The General Ronald dela Rosa Story, at si Dennis Trillo, sa mga unang nag-post tungkol dito sa Instagram.

Naka-quote sa IG post ni Robin ang ginawang announcement ng isa sa mga anak ni Pepe ukol sa paglisan ng ama sa Facebook.

Walang ibinigay na rason ng pagpanaw si Daisy Smith-Owen, anak ni Pepe, sa ginawang pahayag.

Aniya lamang, “Thank you for everything Papa Bear ko. Thank you for being the best dad in the world. I know you’re in the best place now, no more pains, Papa.

“I will see you in a few days. I love you to the moon and back.”

Matatandaan na tatlong beses nang na-stroke si Pepe na ang huli nga ay noong November 14, 2017.

May concert siyang nakatakda nu’ng panahon iyon pero dahil sa insidente, kinailangan itong i-postpone ng organizers.

Si Pepe ay si Joseph William Feliciano Smith. Ipinanganak siya sa Angeles, Pampanga, nu’ng December 25, 1947.

Amerika ang ama niyang si Edgar William Smith habang Pinay ang ina niyang si Conchita Feliciano.

Bata pa’y marunong nang mag-drums ang tinaguriang “Hari ng Pinoy Rock.” Katunayan, edad 11 lamang ay may sarili na siyang banda, ang The Blue Jazzers, na binubuo niya at ng ilang mga kaibigan.

Mula sa The Blue Jazzers, napalitan ang pangalan ng grupo at naging The Villains hanggang maging The Surfers.

Taong 1970 nang mapasok si Pepe sa iconic Pinoy rock group na Juan dela Cruz bilang bokalista at drummer.

Makulay ang naging karera ni Pepe sa nasabing banda, kung saan nakasama niya sina Wally Gonzales at Mike Hanopol.

Ilan sa mga sumikat na kanta ng Juan dela Cruz ay ang No Touch, Balong Malalim, Titser’s Enemi No. 1, Himig Natin at Beep Beep.

Nakikiramay ang People’s Tonight sa mga naulila ni Pepe Smith.