Producer ni Kris nagsalita tungkol sa kontrobersiya

February 22, 2019
Kris Aquino

ANG negosyanteng  si Rhodora Pascual Morales na mas kilala bilang si Tita Doray or Tita D ang siyang nag-produce ng travel TV special ni Kris Aquino, ang “TripNiKris” na ipinalabas sa Sunday Night Box Office (SNBO) slot ng GMA7 nung April 9, 2017.

Si Tita Doray ay isa  sa mga most valued supporters ng maraming proyekto ng beauty czar and philanthropist na si Mader Ricky Reyes, kasama na rito ang ika-35 year celebration ng the Filipino Hairdressers Association (FilHair), ang asosasyon ng professional hairdressers, make-up artists at salon owners sa buong bansa na nakatakdang ganapin sa Metrotent sa Metrowalk, Pasig City sa April 23, 2019, simula alas-9 ng umaga.  Ito’y pinamagatang “Jade Anniversary Beauty Event” ng FilHair.

Pagkatapos ng intimate presscon ng FilHair hosted by Mader Ricky himself, nagkaroon ng pagkakataon ang mga dumalong entertainment media na makausap si Tita Doray.

Nasa sentro ngayon ng balita ang tinaguriang Queen of All Media na si Kris dahil sa kanyang ongoing ‘war’ sa pagitan nila ng dating project manager at managing director ng kanyang kumpanya, ang Kris Cojuangco Aquino Productions (KCAP) na si Nicko Falcis. Kinasuhan niya ito ng qualified theft sa iba’t ibang siyudad ng Metro Manila including Makati City na siyang kauna-unahang nagbasura ng kaso  last February 18 dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Kung matatandaan pa, kahit si Tita Doray ang nagmagandang loob na gastusan ang travel special ni Kris (na binayaran umano niya ng P6M bilang talent fee), siya at ang anak nitong binata na si Renan Morales ang lumabas na manggagamit. Si Renan ay isang car racer at konsehal ng San Antonio, Nueva Ecija.

Halos dalawampung milyon ang ginastos ni Tita Doray to produce the TV special dahil nagbayad din umano siya ng time slot as blocktimer ng GMA plus ang buong production cost.

Sobrang hanga si Tita Doray noon kay Kris at gusto niya lang itong matulungan na makabalik sa telebisyon pero ang problema ay siya pa umano ang nasira at napasama. Kaya tila na-trauma ang businesswoman ng Nueva Ecija na muling maka-trabaho ang dating  Presidential daughter and sister.

Si Tita Doray ay nagma-may-ari ng 16 na kumpanya ang kasama na rito ang power plant, pharmaceuticals, brokerage, forwarding and logistics, consultancy, aviation, land development, travel agency at iba pa.

Sa darating na halalan ay kinatawan si Tita Doray ng ACTS OFW partylist dahil gusto niyang matulungan ang kanyang mga kababayang OFWs .  

Ngayong muling nabuksan ang paksa sa pagitan nina Tita Doray at Kris, tiyak na hindi magsasawalang-kibo ang ina nina Joshua at Bimby.