Ramadan sa kulungan at panahon ng quarantine, pareho lang — Robin

April 28, 2020
Robin Padilla

Para kay Robin Padilla, malaki ang pagkakahawig ng buhay niya noon sa kulungan sa nararanasang lockdown ngayon dahil sa COVID-19.

Nag-throwback post si Binoe sa kanyang Instagram ng larawan niya na kuha sa bilibid noong 1997 at aniya, pati ang pag-observe ng Ramadan ay dinaanan niya rin sa kulungan tulad ng nangyayari ngayon.

Ang Ramadan ay month-long fast na ino-observe ng mga Muslim sa buong mundo. Nagsimula ang Ramadan ngayong taon last April 23.

“Naisulat ko ito ngayon sa panahon ng lockdown dahil napakalaking pagkakahawig ng buhay natin ngayon sa aking buhay sa bilibid ang pagkakaiba lang ay may smartphone ngayon pero maliban don parehas na ang lahat pati ang kuwento ng unang ramadan ko sa piitan dahil sa matagal na panahon na akoy nakalabas.

“Walang isang ramadan na dumaan ang naitawid ko na walang pagkukulang naging napakahirap gawin ng mga dasal at mga dua sa shooting o taping,” bahagi ng caption ni Binoe.

Ipinaliwanag din ng action star kung ano talaga ang Ramadan sa Muslim.

“Ang inaakala ng iba ay pag aayuno lamang ito sa kwentuhan, sa pagkain, sa tubig at sa pakikipagtalik sa pagkababae ng asawa, oo malaking parte ang mga ito pero ang totoo ang ramadan ay paggawa ng koneksyon sa Dios at yun ay maibibigay lamang ng tamang pagsasagawa ng salah/dasal maging obligatory man ito o non obligatory,” pahayag ni Binoe.

Nagpasalamat din ang action star sa kanyang pagkakakulong (1994-1998) dahil dito raw niya nakilala nang husto ang kanyang sarili at dito rin bumalik ang kanyang mga paa sa lupa.

Bukod dito ay nagbalik din daw siya sa pag-aaral at nakatapos.

“Purihin ang Panginoon sa aking pagkakakulong dahil don ay nagkaroon ako ng koneksyon sa nag iisang tagapaglikha isang pagkakataon at mahabang oras para makilala ang sarili ko at ang bilanggo na galing sa ibat ibang lugar, kalagayan at katayuan sa buhay pati ang kaniya kaniyang kultura.

“Naibalik ko sa lupa ang aking mga paa at iniwan ng permanente ang estrella/stars na ikinabit sa aking pagkatao ng pelikula. Inilaan ko ang aking panahon sa bilibid sa pag aaral kayat don ko natapos ang aking highschool at daan para magtuloy tuloy na matapos ang college,” saad pa ni Binoe.

Matatandaang nasentensiyahan ang aktor sa kasong “illegal possession of firearms” noong 1994.

Sa pagkakatanda namin, sa kulungan siya nagpa-convert at naging isang Muslim.