Sayawan at katuwaan sa lamay para sa nanay ni Rayver

February 08, 2019

ISANG madamdamin pero masayang pamamaalam ang nangyari sa final wake nung nakaraang February 6 (Wednesday) para sa namayapang ina ng magkakapatid na Omar, Rodjun at Rayver Cruz na si Beth Cruz.  Nagpamalas pa ng sayaw ang magkapatid kasama ang uncle nilang si Tirso Cruz III, ilang mga kaanak at mga kaibigan dahil isang masayahing tao ang namayapa.  Katunayan, nung final wake din ng pamangkin ni Beth na si TJ Cruz, anak ng mag-asawang Pip (Tirso Cruz III) at Lyn Cruz ay nakisayaw pa si Beth bilang happy send-off nila sa namayapa not knowing na more than two months later ay susunod naman siya.

Si TJ ay sumakabilang-buhay nung November 21, 2018 habang nung February 2, 2019 naman si Beth at parehong cancer ang ikinamatay ng magtiyahin.

Nagbalik-tanaw si Rodjun sa naging usapan at biruan nila ng kanyang namayapang ina na huwag magbibigay sa kanya ang kanyang mommy ng mensaheng nakakaiyak sa araw ng kasal nila ng kanyang fiancée na si Dianne Medina dahil ayaw umano niyang umiyak.  `Yun pala ay siya (Rodjun) ang magbibigay ng nakakaiyak na mensahe para sa kanyang ina.

Rodjun and  Dianne got engaged in October 10, 2017 sa ika-30th birthday mismo ng dancer-actor matapos ang kanilang pagiging magkasintahan sa loob ng mahigit sampung taon.  Ang dalawa ay nakatakdang ikasal sa Disyembre sa taong ito.