Sen. Bong kay Yorme Isko: ’wag mang-upak para magpasikat

April 05, 2020

HINDI nangimi si Senador Bong Revilla na sabihing nasaktan siya sa pagbanat ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga senador.

Diretsahan niyang sinagot ang akusasyon ni Yorme Isko na nangangawala sila ngayong nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.

Litanya ni Sen. Bong sa kanyang Facebook video, “Diretsahan na lang, si Yorme, tinira kaming mga senador. Sana naman ’wag ganu’n. Masakit dahil alam naman natin, Yorme, Isko, you’re a very good friend of mine. Si Kuya Germs (German Moreno), para tayong magkakapatid du’n, para tayong anak pare-pareho nu’n.

“Alam mo rin naman na lahat kami nagtatrabaho, hindi kami nagpapabaya. May mga nasasakupan din kami. Meron akong Bacoor, meron akong Cavite. Hindi lang ’yan, buong Pilipinas, kung kaya lang talaga, gagawin namin. Pero siyempre, very limited din.

“Katulad n’yan, na-quarantine pa kami. Ilang beses ako, this is my second time. Good thing nakalabas na rin ako ngayon. Pero kahit naka-quarantine ako, patuloy ang movement ko sa paggalaw, sa pagtulong sa mga local government, like Rizal, paano natin matutugunan ang problema nila sa bigas? At least ’yun, natulungan natin sa NFA.”

Hindi umano biro ang kinakaharap ng lahat, lalo pa nga at tila nagkakaubusan din ng supply ng bigas.

“Kaya ’yung banat sa amin ni Yorme, Mayor Isko, ’wag naman, ’wag ganu’n, tulungan tayo. Hindi ito ang panahon ng pagbatikos, ’wag mo kaming personalin, ikaw, you’re part of the executive branch, kami, we’re part of legislative branch. Ito ’yung three branches of government -- executive, legislative, judiciary. Kayo sa ehekutibo, kayo ang mag-i-implement ng mga naipasa namin tulad nu’ng Bayanihan Act (kung saan nakapaloob ang pondong P275 billion panlaban sa COVID-19),” patuloy na hinaing ni Sen. Bong.

Sa viber group nga raw nilang mga senador, nag-usap-usap sila at lahat sila’y nasaktan sa banat ni Yorme Isko. Para sa kanila, unfair ang mga binitawang salita ng alkalde ng Maynila.

Ganunpaman, itutuloy pa rin daw nina Sen. Bong ang trabaho kahit alam nilang napakadelikado at ang ilan pa nga sa kanila ay naapektuhan at nag-positibo rin sa novel coronavirus.

“Sa inyo pong lahat, pakiusap ko po, ’yung pambabash, okay lang po, matatanggap namin ’yon. Pero ito po, sa oras na ito, ang kailangan ay matugunan natin ’yung pangangailan ng ating mga kababayan. Hindi tayo dapat mag-upakan, hindi tayo dapat magsiraan. Ang kailangan nating tugunan ay ’yung gutom ng mga tao… gutom!

“Kaya sa mga kasamahan ko, sama-sama po tayo. Alam ko po ang nararamdaman ng bawat isa sa inyo, alam ko po ang nararamdaman ng mga LGU, ng ating mga mayor, mga alkalde, halos wala po silang pahinga, pero sila po ang tumatanggap ng lahat ng dagok, mga minumura ng tao, na akala’y ninanakaw nila ’yung pera,” saad pa ng senador.

Magsama-sama, magtulung-tulong ang mariing panawagan ni Sen. Bong sa lahat.

“Pero ’yung uupakan pa kami nang dahil lang, eh, gustong magpasikat, eh, ’wag naman. Pare-pareho tayong nagsisilbi sa ating mga kababayan, pare-pareho tayong nagmamahal sa ating mga kababayan. Kaya sana po, tayo’y magsama-sama magtulung-tulong, ’wag magsiraan, ’wag mag-upakan, mahal po ng bawat isa ang ating mga kababayan, kaya nga tayo nandirito, hindi tayo rito amo ng bayan, tayo’y alipin ng bayan,” giit pa niya.