Sen. Bong umalma kay Mayor Isko

April 05, 2020
Isko Moreno and Bong Revilla

ISA si Sen. Bong Revilla sa nasaktan at umalma sa  pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi umano  tumutulong sa suliranin ng Covid-19 at namumulitika lamang ang mga  senador.

Paano raw nalaman ni Mayor Isko na hindi tumutulong ang mga senador na kinakaharap ng bayan na may kinalaman sa coronavirus? Namo-monitor ba niya ang bawat galaw  ng mga ito?

Dapat din umanong isaalang-alang ni Mayor Isko na iba ang trabaho ng mga senador kumpara sa mga LGU. Sa kanyang personal na capacity ay tumutulong si Sen. Bong sa kanyang mga kababayan sa Cavite kung saan vice-governor ang anak niyang si Jolo Revilla habang mayor naman ng Bacoor ang asawa niyang si Lani Mercado at kongresista naman ng ikalawang distrito ng Cavite  ang nakababata niyang kapatid na si Strike Revilla at konsehal ng siyudad ang isa pa niyang kapatid na si Rowena Bautista-Mendiola.

Ayon kay Sen. Bong Revilla, hindi ito panahon ng tapunan ng baho kundi ang pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat na malabanan ang problemang kinakaharap ngayon hindi lamang ng  Pilipinas kundi  ng buong mundo.