Sheree may pangako sa manonood ng dance concert

March 06, 2020

IPINANGAKO ng sexy actress na si Sheree na mabibigla ang lahat sa mga production number niya sa kanyang dance concert sa Music Museum sa April 17.

Inspired ng mga club show sa Paris, France ang first major dance concert ni Sheree na handa na ibuyangyang ang hubad na katawan tulad ng mga show girl sa Paris.

Hindi lang ang mga paghahanda sa kanyang Music Museum concert ang pinagkakaabalahan ni Sheree dahil may special participation siya sa Pak Boys, ang comedy movie ng Viva Films.

Si Sheree ang gumaganap na “other woman” ni Andrew E. sa naturang pelikula. Gustung-gusto niya ang kanyang role na nakakatawa dahil pasyente siya ng karakter ni Andrew na binubunutan nito ng ngipin pero madalas na nahuhuli ng tunay na karelasyon.

Hindi mapigilan ni Sheree na matawa sa tuwing nagkukuwento tungkol sa role niya sa Pak Boys  na tiyak na magugustuhan at kaaaliwan  ng moviegoers.

Sina Andrew E., Dennis Padilla at Janno Gibbs ang lead stars sa Pak Boys na mula sa direksyon ni Al Tantay. Ang Pak Boys ang follow up project ng tatlo sa kanilang blockbuster movie na Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo na pinamahalaan din ni Al at ipinalabas sa mga sinehan noong September 2019.