Star cinema naniniguro sa Alden-Kathryn movie

July 03, 2019
Kathryn Bernardo

SA July 31 pa ang showing ng pelikulang “Hello, Love, Goodbye” movie nina Kathryn Bernardo at Alden Richards na dinirek ng box office director na si Cathy Garcia-Molina under Star Cinema pero as early as the other week-end ay nagsimula na ang dalawa sa promo ng pelikula.

Halatang gustong mag-all out ang film outfit to make sure na ang first team-up nina Kathryn at Alden ay tatabo nang husto sa takilya.

Magiging malaking challenge naman kina Kathryn at Direk Cathy kung maabot ng “Hello, Love, Goodbye” ang record na naitala ng pelikulang “The Hows of Us” na pinagtambalan nina Kathryn at Daniel Padilla at dinirek din ni Direk Cathy nung isang taon na umabot ng P900-M plus at siyang may hawak ngayon ng record sa box office for a local movie.

Hindi ikinakaila ni Direk Cathy na bukod sa actor na si John Lloyd Cruz ay paborito rin niyang idirek ang kasintahan ni Daniel Padilla na si Kathryn. She first directed Kathryn and Daniel sa TV series na “Got to Believe” in 2013 na sinundan ng “She’s Dating the Gangster” movie ng dalawa nung 2014 na tumabo sa takilya ng mahigit P400-M.  

Kung lahat ng John Lloyd and Bea Alonzo movies na dinirek ni Direk Cathy ay box office hits, ganundin ang mga pelikula ni Kathryn with Daniel.

Although nangangamoy box office hit ang unang tambalan nina Kathryn at Alden base sa feedback sa full trailer ng pelikula sa social media, maba-validate lamang ito kapag naipalabas na sa mga sinehan ang pelikula.

Ang pelikulang “Hello, Love, Goodbye” ay hindi lamang sa Pilipinas ipalalabas kundi maging sa ibang bansa kung saan maraming Pinoy at malamang isama rito ang Hong Kong kung saan kinunan ang kabuuan ng pelikula at kung saan marami ang Filipino OFWs.