Super Tekla tinulungan ng GMA talents

July 25, 2020
Boobay and Tekla

MASAYA ang comedian-host nasi Super Tekla (Romeo Librada) na naging maayos at matagumpay ang operasyon ng kanyang one-month old baby na si Baby Angelo na isinilang na may anorectal malformation o walang butas sa puwet.  Nataon pa na wala siyang pera dahil sa lockdown at nagsara ang mga comedy bar at naka-suspend naman ang taping nila ni Boobay sa kanilang “The Boobay and Tekla Show” sa GMA.

Hindi nangiming humingi ng tulong si Super Tekla sa kanyang mga kasamahan sa trabaho (sa GMA) maging sa TV host-producer na si Willie Revillame na siyang nagbigay ng malaking break sa kanya sa telebisyon.  Tumulong din kay Tekla ang Kapuso dancer, host-comedienne at entrepreneur na si Lovely Abella na bahagi ng longest-running gag show na “Bubble Gang” na nagpa-auction ng mga mamahalinggamit para makatulong kay Baby Angelo.  Nagsanib-puwersa rin ang maraming Kapuso stars and talents sa isang online concert para makalikom ng pondo.  Ito’y kinabilangan nina Ai-Ai de las Alas, Julie Anne San Jose, Christian Bautista, Ken Chan, Rita Daniela, Kyline Alcantara, Kristopher Martin, EA Guzman, Betong Sumaya, Boobsie, Myrtle Sarrosa, Lexi Gonzales, Golden Canedo at iba pa, hosted by Glaiza de Castro at Boobay.

Nagpapasalamat si Super Tekla una sa Diyos at pangalawa sa mga kasamahan sa Kapuso Network, Willie Revillame at sa iba na tumulong na maitawid ang operasyon ni Baby Angelo.

Umaasa at nananalangin si Super Tekla na tuluy-tuloy na ang paggaling ng kanyang anak na si Baby Angelo.

Although madalas mapagkamalang gay dahil sa kanyang pagsusuot-babae with  loud costumes at colorful wig, si Super Tekla ay isang straight guy.  May isa rin siyang anak na babae na si Aira sa kanyang ex-wife na si Irene Gonzales habang hindi naman niya sini-share ang ina ng kanyang bagong silang na baby.