Sylvia, hinamon ng harapan ang bashers nila nina Arjo at Ria

January 26, 2019
Maine Mendoza at Arjo Atayde

Inimbitahan ni Sylvia Sanchez sa Maxim Resorts World Coffee Shop alas-siyete kagabi ang ilang AlDub fans na nagalit sa pahayag at pag-amin ng anak na si Arjo Atayde na exclusively dating sila ni Maine Mendoza, para raw makapag-usap sila at magkaintindihan.

Sabi ni Sylvia, “Oo ina ako at naiintindihan ko ang sinasabi mo, naiintindihan ko si @mainedcm @arjotade at naiintindihan ko din ang nararamdaman ngayon ng ina ni Maine, halika! Usap tayo, bilang mga ina, bukas kita tayo.”

Meron pang sinabihan si Sylvia ng, “Sobrang galit sa puso mo, sobra mo kami kung sinuhin at laitin!!! Tara! Usap tayo!! Tao sa tao, hintayin kita ha!!”

Sa fan na nag-comment na kahit sino masasaktan sa ginawang kasinungalingan ni Arjo at kung siya raw ang ina ni Maine, hindi niya hahayaang mapalapit kay Arjo.

Sinagot siya ni Sylvia ng, “Anong kasinungalingan ang ginawa at sinabi ni Arjo? Alam mo ba ang buong pangyayari? Kung may mga tanong ka at gusto mong marinig lahat ng sagot sa mga tanong mo, tara! Makipagkita ka. Ako mismo ang sasagot sa lahat ng mga gusto mong malaman. Matitino tayong tao, kaya usap-usap tayo nang matino, personal!”

Kasama ring inimbitahan ni Sylvia na makipagkita sa kanya ang nag-akusa na ginagamit ni Arjo si Maine at tinawag pang bastos si Arjo.

“Isa ka sa hihintayin ko bukas ha! Ilabas mo ang tapang mo bukas. At pakilabas mo mukha mo dito sa accnt mo, ’wag magtago!! Para makilala din kita.”

Sa nag-comment na mag-inang mapagbanta sina Sylvia at Arjo, sagot ng aktres: “Mag-inang mapagbanta? Kami nga binabantaan n’yo eh!! Patayin ako, Arjo, Ria? Kami pa ang mapagbanta? Isip-isip ka ha! Magpakita ka bukas, usap tayo!!”

Pero mukhang walang naghihinagpis na AlDub fan ang tumanggap sa imbitasyon ni Sylvia at ang mga nagpahayag na makipagkita sa kanya ay solo fans ni Maine o kaya’y fans nina Maine at Arjo.

Welcome silang lahat kay Sylvia.

Makakausap namin si Sylvia sa presscon ng Jesusa sa direction ni Ronald Carballo. Malalaman natin ang  iba pang mga saloobin niya sa isyu kina Arjo at Maine.