Sylvia sa COVID-19 frontliners: Kita-kita po tayo sa finish line

April 14, 2020
Sylvia Sanchez

… aktres at mister, wala nang pneumonia. 

MATAPOS umaming COVID-19 positive last March 24, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpakita si Sylvia Sanchez sa publiko sa pamamagitan ng isang video message na inilabas niya sa social media.

Makikita sa video na nasa hospital pa ang aktres at mukhang mabuti na ang pakiramdam.

Sa kanyang mensahe ay hindi naiwasang maging emosyonal ni Ibyang (tawag kay Sylvia) habang nagpapasalamat sa mga frontliner.

“Sa mga pag-aalaga at pagmamahal ninyo sa aming mga COVID-19 positive, na gusto niyong isalba ang buhay namin, na ginagawa ninyo ang lahat mabuhay lang kaming lahat ng mga pasyente niyo.

“At alam ko, nararamdaman ko, nakikita ko sa tuwing lumalapit kayo sa akin at pumapasok kayo dito na kahit papaano ay may takot kayo sa puso ninyo.

“Pero ginagampanan ninyo nang buong buo 'yung trabaho ninyo ng mga nakangiti at wala kayong ginawa kundi sabihan ako araw-araw na, 'Laban lang, Sylvia, laban lang.' Kahanga-hanga kayo. Sinasakripisyo niyo ang buhay niyo para sa aming mga pasyente niyo. Kayo 'yung dapat hangaan naming lahat.

“Maraming, maraming, maraming, maraming salamat sa inyo lahat ng frontliners. Kita-kita po tayo sa finish line. Thank you, thank you sa inyo, thank you,” teary-eyed na pahayag ni Ibyang.

Matatandaang nag-positibo sa COVID-19 test si Ibyang at ang asawang si Art Atayde noong Marso at kaagad na ipinasok sa hospital.

Sa latest update ay cleared na ang mag-asawa sa pneumonia at sasailalim na lamang sa isa pang test para malaman kung negative na sila sa coronavirus.