Sylvia todo-todo ang pasasalamat

April 10, 2019
Arjo Atayde, Ria Atayde and Sylvia Sanchez
Arjo Atayde, Ria Atayde and Sylvia Sanchez

LAST Tuesday, April 9 ay nag-host ng thanksgiving lunch with the entertainment media ang 2019 Sinag Maynila Best Actress na si Sylvia Sanchez kasama ang dalawa niyang anak na sina Arjo at Ria Atayde dahil sa sunud-sunod na blessings na dumarating sa kanilang mag-iina.

Bukod sa kanyang recent Best Actress win, si Sylvia ay muling nag-renew ng kanyang kontrata as signature model ng Beautederm na pag-aari ng successful young businesswoman na si Rhea Anicoche-Tan.  Meron din siyang bagong TV series, ang “Project Kapalaran” kung saan din tampok na mga bituin sina JM Rodriguez at Arci Muñoz.  Paalis siya sa araw na ito ng Huwebes patungong Dubai kung saan niya isu-shoot ang kanyang bagong (indie) movie na “OFW” at may iba pa umano siyang naka-line-up na projects.  Ang binata naman niyang anak na si Arjo ay kabi-kabila rin ang ginagawang projects.  Nariyan ang hit digital movie na “Bagman” at showing naman ngayon ang pelikulang “Stranded” na pinagtatambalan nila ni Jessy Mendiola.  Napapanood din si Arjo sa ongoing primetime TV series na “The General’s Daughter” plus other project na nakatakda niyang simulan.  Habang ang nakababatang kapatid ni Arjo na si Ria ay kasama sa hit primetime teleserye na “Halik” na malapit nang magtapos sa ere at may ibang proyekto rin itong sisimulan.

Ayon kay Syvlia, sa simula pa lamang ng kanyang showbiz career ay nariyan na ang kanyang mga kaibigang (entertainment) writers na patuloy na tumutulong at sumuporta sa kanya maging sa kanyang dalawang anak na sina Arjo at Ria.

“Una po akong nagpapasalamat sa Diyos sa mga biyayang patuloy na ibinibigay Niya sa aming pamilya, sa mga taong naniniwala sa aming kakayahan bilang artista, sa publiko at sa inyo (referring to the media),” pahayag ni Sylvia na inayunan naman ng anak na si Arjo.  Si Ria naman na kalalapag lamang galing Hong Kong ay pinasunod ni Sylvia sa nasabing pagtitipon na ginanap sa Lazat restaurant in Sct. Limbaga, Quezon City.

Hindi ikinakaila ni Arjo na sobra siyang masaya ngayon.  Una dahil nariyan ang kanyang supportive family, ang sunud-sunod na blessings na dumarating sa kanya, sa mga taong naniniwala sa kanyang talent, sa kanyang mga supporters at kay Maine Mendoza in particular dahil ito umano ang nagbibigay sa kanya ng panibagong sigla at inspirasyon.

Inamin  rin ng mag-inang Sylvia at Ria kung gaano kasaya at ka-inspired ngayon si Arjo at ito’y dahil na rin kay Maine.

Ayon kay Sylvia, although open sa kanya ang kanyang mga anak pagdating sa kanilang personal na buhay, may mga bagay ding hindi niya ini-expect na sabihin sa kanya ng mga ito.

“Basta narito lang kami ng kanilang dad (Art Atayde) para suportahan sila,” diin ni Sylvia.

Still on Sylvia, hindi nito ikinakaila na hindi umano siya ang first choice sa pelikulang “Jesusa” na siyang nagpapanalo sa kanya ng Best Actress award mula sa ika-5th Sinag Maynila Film Festival awards kundi ang superstar na si Nora Aunor na sinundan pa ni Lorna Tolentino.

“Wala sa akin kahit pang-ilang choice ako.  Ang mahalaga ay  sa akin napunta ang role na nagampanan ko naman nang tama.  Kahit naman sa “Be Careful with My Heart” TV  series ay pang-anim na choice yata ako pero ang ending ay sa akin pa rin,” natatawa niyang pahayag.

“At saka, gusto kong tulungan si Ronald (Carballo) na isa pang bagitong director,” aniya.

“Nagsimula rin naman ako bilang isang baguhan noon kaya bakit ko naman ipagkakait ang tulong ng isang nagsisimula pa lamang bilang direktor ,” dugtong pa ni Sylvia.