Tanong ng bayan: May ginawa bang masama si Coco kay Robin?

February 22, 2020
Coco Martin
Coco Martin

MARAMING tagahanga ng “Ang Probinsyano” lead actor at director na si Coco Martin ang nalungkot sa mga patutsada at birada ni Robin Padilla sa kanilang idolo. Wala naman daw itong ginawang masama sa mister ni Mariel Rodriguez.  At bilang respeto kay Robin ay hindi pumatol si Coco.

Si Coco ay inihahalintulad ng kanyang mga tagahanga sa yumaong movie king na si Fernando Poe, Jr. sa pagiging matulungin.

Sa mahigit apat na taon sa ere ng “Ang Probinsyano” ay napakaraming inactive actors ang nabigyan ng pagkakataon muli.  Si Coco lang ang sumugal muli sa actor na si Baron Geisler maging kay Whitney Tyson at marami pang iba.

Ano raw ba ang galit ni Robin kay Coco?

Maging ang ABS-CBN na nagbigay sa kanya ng maraming trabaho ay hindi rin pinalampas ni Robin.

Nakalimutan daw yata ni Robin na ang Kapamilya network ang sumugal sa kanyang pamangkin na si Daniel Padilla para marating ang estado ngayon. Maging ang nakatatandang kapatid ni Robin na si Rommel Padilla ay may trabaho rin sa ABS-CBN gayundin ang kanyang manugang na si Aljur Abrenica.  Nariyan din ang kanyang pamangkin (sa pinsan) na si Bela Padilla.

It was ABS-CBN’s Star Cinema ang nagbigay kay Robin ng kanyang hit movie in years sa pamamagitan ng “Unexpectedly Yours” na pinagtambalan nila ng megastar na si Sharon Cuneta in 2017. Ang mga ito ay labas pa sa mga programang ibinigay sa kanya ng Kapamilya network na ang pinakahuli ay ang “Sana Dalawa ang Puso” na pinagtambalan nila ni Jodi Sta. Maria in 2018.  Nariyan pa ang pagiging hurado niya ng “Pinoys Got Talent” nang dalawang beses, ang sitcom na “Toda Max,” ang pagiging host niya ng “Game ng Bayan” at ilang serye tulad ng “Basta’t Kasama Kita,” “Kailangan Ko’y Ikaw” at iba pa.

Dahil sa ginawang birada ni Robin  laban sa ABS-CBN, kay Coco at sa iba pang Kapamilya talents, makabalik pa kaya sa noontime program na “It’s Showtime” ang misis niyang si Mariel Rodriguez?