Tom Rodriguez siguradong si Carla Abellana na ang ‘The One’

May 28, 2020
Tom Rodriguez and Carla Abellana
Tom Rodriguez and Carla Abellana

DAHIL sa umiiral na enhanced community quarantine ay mas napatunayan daw ni Kapuso actor Tom Rodriguez na ang girlfriend niyang si Carla Abellana na ang kanyang ‘The One.’ Sa kanyang eksklusibong panayam sa 24 Oras, sinabi ni Tom na mas naging klaro at napagtibay raw ng lockdown ang kanilang relasyon ni Carla. “Siya, hindi naggi-give up, hindi nagpa-falter and willing to really work it out and support me. Mas nagiging klaro sa akin na siya na pala talaga,” ani Tom.

Sa katunayan ay kapansin-pansin ang sweetness ng dalawa sa recent YouTube vlog ni Carla kung saan gumawa siya ng specialty niyang Filipino dessert na Leche Flan na paborito rin daw ni Tom. Aktibo ang Kapuso couple sa pagpapaabot ng tulong sa mga higit na apektado ng COVID-19 pandemic gaya na lamang ng recent performance ni Tom sa Bayanihan Musikahan. Habang tigil muna sa taping ang ‘Love of my Life’, muling napapanood ang groundbreaking series na My Husband's Lover na pinagbidahan din nina Carla at Tom kasama si Dennis Trillo sa GMA Telebabad pagkatapos ng Meant to Be.