Tulong kay John bumuhos

July 30, 2020
Nadia Montenegro, John Regala and Liza Dino

ANG salitang bayanihan among Filipinos ay patuloy hindi lamang tuwing may kalamidad tulad bagyo, lindol, baha at maging sa kasalukuyang  pandemya. 

Kamakailan lamang ay nalagay na naman sa sentro ng mga balita ang actor na si John Regala (55) nang ito’y mahilo at tulungan ng isang motorcycle delivery driver na nagngangalang Carlo Marti S. Clariza sa isang barangay ng Pasay City kung saan sana imi-meet ng actor ang kaibigang male nurse para magpalagay ng IV fluid o suwero para siya’y ma-hydrate.

Sa kabila na may delivery si Carlo, inalalayan niya ang nahihilong si John at nagpatulong  sa mga kagawad at health worker ng barangay.  Nakatulong din ang pagpu-post niya ng litrato ni John sa social media. Dahil dito, maraming netizens ang nagnais tumulong, gayundin ang mga kasamahan ni John sa industriya, at ilang politicians. The actor is now suffering from  liver cirrhosis at iba pang kumplikasyon.  Ang nakakalungkot, mag-isa na lamang siya sa buhay ngayon matapos siyang iwan ng kanyang asawa at adopted sons.

Ang isang hiling ngayon ni John ay magkita sila ng kanyang biological son (about 25 years old) na anak niya sa ibang babae na nasa Amerika.

Last Wednesday afternoon ay dumalaw kami kay John kasama ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) chairman na si Liza Dino, Nadia Montenegro at si Dra. Mel Poch.  Bukod sa tulong pinansyal, gamot at iba niyang mga pangangailangan, kailangan ni John ng kausap at nahihingahan ng mga problema at  pinagdaraanan ngayon.

Sa tulong ni Dra. Poch, hindi na darayo pa si John ng Pasay para lamang mapuntahan ang kanyang kaibigang male nurse para siya’y malagyan ng IV or intravenous fluids dahil ang mabait na doktora na ang pupunta sa aktor para kabitan siya nito at least twice or thrice a week.

Hinahanapan na rin si John ng isang male assistant na makakasama sa bahay at gumawa ng errands for him dahil hirap na rin siyang kumilos at maglakad. Nung isang araw lamang ay nadapa siya sa hina ng kanyang tuhod.

Sa kabila ng sitwasyon ngayon ni John, naroon pa rin ang kanyang interest na makapagtrabaho bilang actor.

Samantala, isang online fundraising campaign ang binuo para matulungan si John sa pamamagitan ng GavaGives na pinamumunuan nina Nadia Montenegro at Chuckie Dreyfus na parehong naging kasamahan noon ng actor sa dating youth-oriented program ng yumaong star builder na si German `Kuya Germs’ Moreno, ang “That’s Entertainment”.

Ang lahat ng gustong magpaabot ng tulong pinansyal para kay John ay maaaring mag-deposit sa independent account for John  under  Nadine Marie Inez M. Pla (Nadia Montenegro) – BDO Account No. 002030228830.  Sa iba pang tulong, mangyari lamang magkipag-coordinate kay Nadia Montenegro, Chuckie Dreyfuss at sa inyong lingkod.

Dahil kay John, isang charity foundation ang binubuo ngayon ng grupo para rin makatulong sa iba pang mga actor at industry workers na nangangailangan ng tulong.

Samantala, ang actor at mayor ng Ormoc City na si Richard Gomez ang isa sa unang nagpaabot ng tulong kay John bukod pa sa ipinangakong tulong ng kilalang broadcaster na si Raffy Tulfo na magpapadala ng P100,000 cash, grocery items at gamot para sa maysakit na actor.