Vice, pinatatakbong senador

January 13, 2019
Vice Ganda

Naaliw naman kami sa sinabi ni Vice Ganda na ’pag nanalo raw siyang presidente ng Pilipinas, ibig sabihin, sira-ulo ang mga botante.

Sinabi ito ni Vice Ganda sa It’s Showtime kamakailan.

Nagbibiruan kasi sila ni Jhong Hilario at napag-usapan ang politics since councilor ng Makati ang huli.

“Kakandidato talaga ako presidente ng Pilipinas, promise,” sey ni Vice. “Siguro, sa susunod na mga dalawang eleksyon pa, kakandidato akong presidente talaga agad.

“’Pag nanalo ako, naku, isa lang ang ibig sabihin nu’n. Sira ulo talaga kayong lahat. Wala talagang kakwenta-kwenta mga bumoboto sa Pilipinas. ’Pag nanalo pa naman ako talaga,” natatawang sabi pa ni Vice.

Dagdag pa niya na ewan kung nagbibiro, “Marami ngang kumukuha sa akin, eh. May kumukuha ngang partido sa akin sa senador. Sira ulo ba kayo?”

Sinabihan daw siyang “mananalo ka.”

Ang sagot naman daw niya, “O, ngayon, ’pag mananalo, tatakbo?”

Biro pa niya, “Buong buhay ko, tumatakbo na ako, pagod na pagod na ako, ’no! Tigil na natin. Ngayon na nga lang ako nakakapahi-pahinga.”

Well, wala namang makakapagsabi sa future. Malay nga natin, maging politiko si Vice someday?

Marami nang artistang naging politiko ang nagsabing ni sa hinagap ay hindi nila pinangarap na pasukin ang politics.