Willie, nagpasalamat sa patuloy na pagtutok ng manunuod sa Wowowin

April 21, 2020
Willie Revillame
Willie Revillame

ISANG linggo na simula noong kauna-unahang live broadcast ng Wowowin sa TV at social media mula sa Wil Tower at hanggang ngayon, patuloy ang paghahatid ng saya at pag-asa ng programa at ng Kapuso TV host na si Willie Revillame sa loyal viewers at supporters ng Wowowin sa kabila ng banta ng COVID-19 pandemic.

Naging emosyonal si Willie sa nakuhang tiwala at mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa live broadcast ng 'Wowowin.' Aniya, “Napakalaking bagay po nito sa buhay ko eh. Kasi una, gusto ko ho talaga makagawa nang mabuti sa inyo. Hindi lang ho 'yung pagbibigay ng saya, 'yung pagbibigay ng tulong, 'yun po bang sinserong kumanta, mapasaya kayo, may kumakanta na maganda, napapangiti namin kayo sa panahon na 'to.”

Puno ng pasasalamat si Willie na kahit hindi raw siya pamilyar sa social media ay pinahintulutan siya ng management ng GMA na gawin ang live broadcast ng kanyang programa. Nagpapasalamat din siya sa mga kababayang patuloy na tumututok sa kanya, “Hindi ako techie, wala akong alam. Tawag lang ho ako at text. Salamat kasi pinagkatiwalaan n'yo po ako at gumagawa po ako ngayon ng bagay na talagang gusto kong gawin para sa inyong lahat. Gusto ko hong makatulong sa gobyerno natin. Gusto ko hong makatulong sa mga kababayan natin.”

Mapapanood ang live broadcast ng Wowowin sa official social media accounts nito at sa telebisyon bago mag-24 Oras sa GMA-7.