Xian, tinutukan ng kutsilyo at ninakawan ng pera!

January 19, 2019
Xian Lim and Louise Delos Reyes
Xian Lim and Louise Delos Reyes

Hindi pa nakaka-move-on ni Xian Lim ang pangbu-bully na naranasan niya when he was in middle school.

Una niya itong ni-reveal sa kanyang Instagram account nang pumutok ang viral video ng bullying incident sa Ateneo na ikinagulat ng marami dahil ngayon nga lang niya ito in-open.

Sa presscon ng upcoming film ni Xian na Hanggang Kailan?, natanong siya ng entertainment press tungkol dito.

Ayon sa aktor, ipinost niya ang kanyang karanasan para magsilbing encouragement na rin sa mga biktima ng bullying to speak up dahil siya raw ay hindi ito nagawa noon.

“That’s why I wanted to reach out, na sa mga nabu-bully, they have to really speak up, kasi ako, I didn’t speak up ng mga time na ’yun, I kept it to myself,” ani Xian.

Ayon pa sa kanya, ’yung naranasan ng high school student ng Ateneo ay parehung-pareho sa na-experience niya.

“’Yung kasama ko, pinapahalik sa akin ’yung sapatos niya. Nangyari talaga sa ’kin ’yun. Ginawa ko, sa akin, ginawa ko. Takot kasi ako, eh. Nakita n’yo naman sa picture, mukha talaga akong ka-bully-bully na tao na walang kaibigan,” simula ni Xian.

Hindi lang ’yun, napakarami pa raw insidente ng pangbu-bully sa kanya.

“Laging nakukuha ’yung pera ko kaya dumating ako sa point na kumakain ako sa CR,” kwento pa niya.

Grabe raw ang trauma niya at hindi niya na-enjoy ang high school years niya dahil sa takot.

Dumating pa raw sa point na tinutukan sila ng kutsilyo, Dalawa raw silang magkaibigan noon na parating binu-bully.

“Ngayon, napag-uusapan namin ng mga kaibigan ko na kasama ko nu’ng nangyari, maybe we were just in the wrong place,” sabi ni Xian.

Sa ngayon daw ay nakakulong na ang mga nang-bully sa kanya na hindi na niya sinabi kung bakit.

Alam daw niyang natatakot ang mga taong nabu-bully na magsalita kaya nag-post siya nang ganu’n na maaaring makatulong sa mga taong nakakaranas din ng kaparehong pangyayari.

“Maybe it could help kaya marami ring nag-message sa akin. I encourage people to just speak up and not be scared,” pahayag pa ng aktor.

Salamat na lang daw at nalampasan niya ang traumatic experience na ’yun at malaki raw ang naitulong ng sports sa buhay niya para ma-overcome ito.

Samantala, happy si Xian na sa pagpasok ng 2019 ay may ipalalabas siya agad na pelikula, ang Hanggang Kailan?, na dinirehe ni Bona Fajardo under Viva Films.

Showing na sa Feb. 6 ang pelikula at kasama niya rito bilang leading lady si Louise delos Reyes.