Yul mas seryoso sa public service

February 27, 2019

HINDI ikinakaila ng 42-year-old actor-politician na si Yul Servo na pangarap niyang maging isa pulis balang-araw kaya nagtapos siya ng Crimimology sa kolehiyo.  Pero ang isa niyang tiyuhin ang nagtulak sa kanya na subukan ang pagiging isang artista at dito naman niya nakilala ang yumaong actor at mentor niyang si Direk Maryo J. de los Reyes na siya ring nagbigay sa kanya ng kanyang screen name na Yul Servo.  John Martin C. Nieto ang tunay na pangalan ni Yul.

Sinimulan ni Yul ang kanyang showbiz career in 2001 sa pamamagitan ng pelikulang “Batang Westside” at teleseryeng “Sa Puso Ko Iingatan Ka” ng ABS-CBN and the rest ay history nang maituturing sa buhay ni Yul na nagdiwang ng kanyang 42nd birthday last February 22.

Si Yul ay naging konsehal ng third district ng Maynila sa loob ng tatlong termino (9 years) at nung 2016 ay tumakbo naman siya sa pagiging kinatawan ng kanyang distrito na kanya ngayon pinaglilingkuran bilang isang kongresista.

Although naisisingit pa rin nito ang paminsan-minsang paglabas sa telebisyon at pelikula, hindi nito ikinakaila na priority umano niya  ngayon ang sinumpaang tungkulin bilang kinatawan ng kanyang distrito.

Hindi naman ikinakaila ni Yul na malaki ang naitulong sa kanyang political career ang kanyang pagiging isang actor dahil dito umano siya unang nakilala.  Pero nang makita naman umano ng kanyang constituents na seryoso siya sa kanyang pagiging isang public servant na 12 taon na niyang ginagawa ay suportado umano siya ng mga ito dahil hindi naman umano siya nagpapabaya sa kanyang tungkulin.

Samantala, ang nakababatang kapatid ni Yul na si Apple Nieto ay magsisimula ring tumakbo bilang konsehal ng ikatlong distrito ng Maynila at ito’y suportado ng actor dahil nakikita umano siya sa kanyang nakababatang kapatid ang passion na makapag-lingkod sa kanilang distrito.