Salceda: Economic offensive dapat na estratehiya vs pagbagsak ng ekonomiya

July 26, 2020

DAPAT “economic offensive” ang estratehiya ng Pilipinas upang mabisang labanan ang nakaambang pagbagsak ng ekonomiya nito, dulot ng COVID-19 pandemya, ayon kay House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, isang kilalalang ekonomistang mambabatas.

Upang manatiling nasa opensiba ang pang-ekonomiyang hakbang ng bansa, nanawagan ang mambabatas na pagtibayin agad ng Kongreso ang panukalang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act,’ na matagal nang nakabibinbin sa lehislatura, at lalong pasiglahin ang implementasuyon ng “Build, Build, Build program” ng pamahalaan.

Kaugnay ng kanyang panawagan, naglabas si Salceda ng isang ‘34-point manifesto’ na naglalayong isulong ang programang “Lupigin ang COVID-19” ni Pangulong Rodrigo Duterte na inaasahan niyang babanggitin ng Pangulo sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27.

“Kailangan ang tapang ng kalooban sa panahon natin ngayon. Hindi natin malulupig ang COVID-19 virus, at mapipigilan ang pag-urong ng ekonomiya kung tayo’y matatakot at magtatago, bagama’t nagawa na natin ang dapat gawin upang mapigil ang mabangis na pagsambulat nito,” pahayag niya.

Pinuna ni Salceda na sa kabila ng kakulangan sa kakayahan ng ating bansa, “ipinakikita ng mga ‘epidemiological models’ na napigilan ng mga mahigpit na ‘quarantine lockdowns’ ang tinatayang mga 3.5 milyong pagkahawa sa virus.”

“Panahon naman ngayon upang labanan ang pagbulusok ng ekonomiya natin,” dagdag niya, kasabay ang paala-ala na ang hindi seryoso at aktibong paglaban sa pandemya ay tiyak na hahantong sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.

“Tiyak, hindi natin maililigtas ang bawat trabaho. Malaki na ang mga ipinagbago ng ekonomiya ngunit magagawa nating magsikap upang lumikha ng higit sa isang trabahong katapat ng bawat trabahong nawala, at maaaring sanayin natin ang mga mamamayan sa mga bagong trabahong lilikhain,” paliwanag niya.

Muling nanawagan si Salceda na dapat maging batas na ang ilang mga panukalang nakabinbin pa sa Kongreso na naglalayong pasulungin ang “stable credit rating” ng Pilipinas at lalong patibayin amg mga industriya at pangangalakal nito,

Sa ulat kamakailan ng Moody’s Investor Service, pinanatili ang “Baa2” ‘rating and stable outlook’ ng Pilipinas para sa mga lokal at dayuhang nagpapahiram ng puhunan at ‘senior unsecured debts,’  bagama’t ibinaba nito ang ‘rating’ ng 18 ibang bansa at ginawang ‘negative’ ang 27 iba pa.

Ang naturang ‘credit rating’ ng Pilipinas ay pahiwatig ng tiwala sa malakas na “macroeconomic fundamentals” nito sa kabila ng pagbagsak ng pandaigdigang ekonomiya dulot ng pandemya. Ang “Baa2 rating” ng bansa ay nangangahulugan ng “mataas na tiwala sa kakayahan nitong makabayad sa ‘short-term’ na pagkakautang.”

Sa ulat ng Moody’s kamakailan, binanggit ang ilang panukalang batas na naging batayan ng “Baa2” at “stable rating” ng bansa, Kasana sa naturang mga panukala ang mga amyenda sa ‘Foreign Investments Act,’ ‘Public Service Act,’ ‘Retail Trade Liberalization Act,’ at ang  Comprehensive Tax Reform Program” ng pamahakaan na kanilang sinusubaybayan. Lahat ng naturang mga panukalang batas ay likha ni Salceda,

Ayon sa mambabatas, ang mga kaganapang ito ay pahiwatig na ‘babangon at babalik ang dating sigla ng ekonomiya ng Pilipinas pagkatapos ng pandemya, ngunit kailangang mag-isip at gumawa tayo ng mga tamang hakbang upang lalong pahusayin ang ating mga sistema at ‘ecosystem.’”

“Hindi garantiya ang malakas na ‘macroeconomic fundamentals’ bagama’t mahalaga ito upang ‘i-leverage’ ang ating mga diskarte. Sa ngayon, dapat maging opensibo tayo sa tamang pagkilos at estratehiya upang labanan ang pagbagsak ng ekonomiya at makabangon sa matinding dagok ng pandemyang Covid-19,” patapos na paliwanag ni Salceda.